
Ngayong 2020, muling ipinapalabas ang first local animated anthology series na Alamat.
Sa makasaysayan nitong pang-anim na pagtatanghal, natunghayan ang kwento ng batang mahikerong si Pedro.
Dahil sa kanyang potensyal, inalok siya ng Maestrong mahikero na mag-aral ng salamangka sa kanya at tatlongpung pirasong ginto ang hiningi nitong kabayaran mula sa binata.
Kumayod ang mga magulang ni Pedro para makalikom ng ganoong kalaking halaga para matupad ang pangarap ng kanilang anak.
Nang makapasok na si Pedro sa eskwela, hindi akalain ng Maestro na malalagpasan siya ng galing ng batang mahikero.
Bilang ganti, ginawang ibon ng Maestro si Pedro at pati ang kanyang mga kaeskwela para hindi na makaalis sa paaralan.
Gayunpaman, nakatakas ang matalinong si Pedro at nakalipad sa tulong ng kanyang ama.
Dahil naisahan niya ang Maestro, nabali ang sumpa sa batang mahikero at nakabalik siya sa dati niyang anyo.
Isang araw, nagkasakit ang ina ni Pedro kaya kinailangan niyang gumawa ng paraan para mapagamot ito.
Gumawa si Pedro ng isang kabayo na may mahiwagang tali para maibenta ng kanyang ama.
Pero, tanging paalala ni Pedro, iuwi ang tali dahil siya ito.
Naibenta naman ang kabayo ngunit nakalimutan ng ama ng binata na kunin ang tali mula sa bumili.
Sa kasamaang palad, hindi alam ng ginoo na si Maestro pala ang napagbentahan niya dahil nagbalat-kayo ito.
Ginamit ni Pedro ang lahat ng mahikang natutunan niya mula sa Maesto para makaligtas sa kaloboso.
Mula sa pagiging ibon, naging anyong singsing si Pedro.
Nang bumagsak ang singsing sa kapatagan, napulot ito ng prinsesa ng bayan at doon nakabalik si Pedro sa dati niyang anyo.
Bilang pangalawang buhay, binali ni Pedro ang sumpa ng Maesto at ibinalik ang mga ibon sa kanilang dating anyo.
Lahat sila ay naging mga guro sa bagong eskwela ng mahika.
Sa halip na maningil ng ginto, ginawa nilang libre ang pag-aaral sa lahat ng gustong matuto.
Hindi sinarili ni Pedro ang kaalaman, kaya hindi lang pamilya niya ang nabiyayaan dahil buong kaharian ang umasenso.
Kahit na mahirap lamang, hindi tiningnan ng hari ang estado ng buhay ni Pedro at binigyan ito ng basbas para pakasalan ang prinsensa--isang pabuya para sa kabutihan ng batang mahikero.
Ang karakter ni Pedro at ng prinsesa ay binosesan nina Jeric Gonzales at Bea Binene.
Samantala, si Roi Vinzon naman ang nagbigay-boses sa Maestro.
Patuloy na subaybayan ang Alamat tuwing Lunes at Martes, 8:25 a.m., bago mag-Mars Pa More.
Kung ma-miss n'yo man ang episode, maaaring mapanood ang aired full episodes ng 2015 series sa GMANetwork.com at GMA Network app.