
Ngayong 2020, muling ipinapalabas ang first local animated anthology series na Alamat.
Sa makasaysayan nitong pang-siyam na pagtatanghal, natunghayan ang kuwento ni Anlalawa, ang palalong manghahabi.
Dahil sa kanyang ganda at galing sa paghahabi, lumaki ang ulo ng dalaga at binansagan ang sarili ng "dyosa ng paghabi." Lalo pang nilamon ng kahambugan si Anlalawa nang magkagusto ang Datu sa kanya.
Isang araw, pinadalhan siya ng Datu ng isang baul na puno ng alahas. Hangang-hanga siya sa kanyang sarili dahil maging ang pinakamayaman sa kanilang lugar ay napaibig niya.
Habang sinusukat ang mga alahas, may kumatok na isang ginang sa kanyang tahanan para humingi ng tekla bilang pangbalabal sa kanyang nanginginig na katawan.
Tinaboy ito ni Anlalawa at sinabing walang maaaring makagamit ng kanyang mga tela dahil siya ang "dyosa ng paghabi."
Nagpalit-anyo naman ang ginang at sinabing siya ang tunay na "dyosa ng paghabi."
Hindi pumayag si Anlalawa sa pag-angkin ng titulo ng ginang kaya nagpagalingan sila sa paghabi.
Sa huli, napatunayan ni Anlalawa na siya ang karapat-dapat na tawaging "dyosa ng paghabi" matapos siyang manalo sa paligsahan nila ng ginang.
Bilang gantimpala, biniyayaan siya ng ginang ng kapangyarihang magkaroon ng kakayahang maghabi gamit ang kanyang sariling katawan.
Unti-unting nag-iba ang kanyang anyo, nabalot ang kanyang katawan ng maiitim na balahibo, at tinubuan siya ng walong galamay na magagamit niya sa paghabi--isang parusang nagbabalat-kayo na pabuya dahil sa kasakiman ni Anlalawa.
Ang tagapagsalaysay ay ginampanan ni Bianca Umali. Maliban sa pagiging narrator, siya rin ang tinig sa likod ng ni Anlalawa.
Samantala, ang TV host naman na si Love Añover ang nagbigay-buhay sa karakter ng ginang/dyosa.
Ang alamat ng gagamba ay ang ikatlong handog sa ikalawang aklat ng Alamat. Orihinal itong ipinalabas noong May 29, 2016.
Bukas, October 6, nakatakdang ipalabas ang huling episode ng Alamat rerun kung saan matutunghayan ang alamat ng matsing. Mapapanood ito sa GMA-7, 8:25 a.m., bago mag Mars Pa More.
Kung na-miss n'yo man ang episode na ito, maaaring mapanood itong mapanood at ang iba pang full episodes ng first local animated anthology series sa GMANetwork.com at GMA Network app.