
Bago ang kaniyang naging pagbabalik sa Eat Bulaga kamakailan, halos isang taon din na hindi napanood ng dabarkads ang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards sa nasabing noontime show.
Sa isang exclusive interview kay Alden na inilabas ng nasabing programa sa kanilang YouTube channel, nilinaw ng aktor ang dahilan kung bakit siya matagal na nawala sa programa.
Paliwanag ni Alden, dumami ang kaniyang proyekto na dapat tapusin noong nakaraang taon, kasabay nito ay pinagtuunan niya muna ng pansin ang kaniyang binuong multimedia company na Myriad.
Kuwento niya, “Last year medyo nag-pile up 'yung projects na kailangan kong gawin. Nagtayo rin ako ng sariling production company, sinolidify ko muna 'yung foundation no'n.”
Ayon kay Alden, tinapos niya muna ang lahat ng kaniyang ibang commitment upang mas makapag-focus din sa kaniyang pagbabalik sa Eat Bulaga.
Aniya, “Ayoko kasi na bumalik sa Eat Bulaga na paisa-isa lang, gusto ko 'pag bumalik ako, committed ako, kahit hindi man everyday basta at least hindi ako mawawala for the week.
“Inayos ko muna lahat 'yun, para pagbalik ko dito at least buo ako na haharap sa dabarkads and to be a host of the show.”
Samantala, bukod naman sa kaniyang pagbabalik sa Eat Bulaga, nakatakda ring gumawa ng bagong pelikula at teleserye si Alden ngayong taon.
“Movies po napakarami pero siyempre inaayos pa 'yung final details. Teleserye, by last quarter of this year,” sabi ni Alden nang tanungin siya sa mga susunod niyang proyekto.
SAMANTALA, BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI ALDEN RICHARDS SA GALLERY NA ITO: