
Magkakasamang bumisita sa Fast Talk with Boy Abunda ang mga bida at direktor ng pelikulang Five Breakups and a Romance na sina Alden Richards, Julia Montes, at Irene Villamor.
Dahil ang kanilang pelikula ay may tema ng hiwalayan, tinanong ng batikang TV host na si Boy Abunda, kung ano nga ba ang limang dahilan ng breakup na tatalakayin sa pelikula.
Inisa-isa naman ito nina Alden, Julia, at Irene. Una sa limang dahilan ayon kay Direk Irene ay personal priorities.
Sinuportahan naman ito ni Julia. Aniya, “Totoo po e, minsan kahit tingin mo swak na po 'yung mag-partner but sometimes 'yung pinaplano mo or 'yung priorities mo, nagbabago. So it depends kung supportive kayo sa isa't isa para mag-work ang isang bagay or ang relationship.”
Ikalawang dahilan para kay Direk Irene ay social status. Pagsuporta naman dito ni Alden, “Like let's say this person, grew up in this kind of set up and you grew up in this kind of set up, you have your own sets of principles and truths. Kumbaga at one point, sa isang conversation, 'yung argument niyo parehong tama, pero hindi nagtutugma.”
Ikatlong rason umano ng hiwalayan ay ang pagkakaroon ng magkaibang prinsipyo sa buhay. Ayon kay Julia, kung minsan ay nakakatulong ito pero madalas ay nagiging sanhi rin ito ng away ng isang mag-partner.
Aniya, “At first, nagwo-workout pa po kasi parang nabu-boost mo pa siya e, 'Kaya mo 'yan, sige go lang.' But eventually, time will come, 'yun na rin 'yung nagiging cause ng away kasi nape-pressure mo na siya unconsciously. So 'yun din 'yung isang nagiging major cause ng breakup kapag hindi napag-uusapan.”
Ang ikaapat na dahilan naman ng breakup para kay Direk Irene ay mga bagay na nangyayari sa mundo dahil aniya, “Pati 'yung lipunan, kasama siya sa relasyon e.”
Huli at ikalimang bagay na nagiging sanhi ng hiwalayan ay ang oras. Ayon sa tatlo, madalas ay nawawalan na ng oras ang magkasintahan para sa isa't isa.
Ayon kay Julia, sa point of view ng kaniyang karakter sa pelikula, hinahanap-hanap niya sa kaniyang boyfriend ang maraming oras na dati ay ibinibigay niya noong nanliligaw pa lamang ito, kumpara sa oras kung kailan magkarelasyon na sila.
“Sometimes when reality hits, siyempre may mga factor na rin na may kailangan kang i-priority, and then papasok na 'yung, 'Dapat maintindihan mo, kasi partner na kita.' Tapos doon na rin magsi-sink in na, 'Nasaan na 'yung time nating dalawa?' Effort talaga sa party na gusto niyo talagang i-workout para kahit na pareho kayong busy, makakahanap kayo ng time,” ani Julia.
Dagdag naman ni Alden, “Doon din po papasok Tito Boy 'yung contolling your emotions.”
“Irene, bakit ka ganito magkuwento?” tanong ni Boy sa direktor.
Sagot naman ni Direk Irene, “May nagreview dati ng mga pelikula ko na anti-romance raw. So, parang mas nandoon nga ako, kasi parang meron tayong mga romantic notion and then parang gusto ko lang mabasag talaga.”
Mapapanood ang Five Breakups and a Romance sa October 18 sa lahat nga mga sinehan.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.