
Opisyal nang inilunsad ng Sparkle ang Click Kindness campaign sa 30th anniversary celebration nito na pinamagatang Sparkle Trenta noong Sabado, November 15, sa MOA Sky Amphitheater sa Pasay City.
Sa pangunguna ni Asia's Multimedia Star Alden Richards, pormal na inanunsyo ang pinakabagong adbokasiya ng GMA talent management arm na layon na magpalaganap ng goodness, positivity, compassion, at kindness online.
Panimula ni Alden, "Nais po naming simulan dito po sa Sparkle family namin, hindi lang para sa 'min, kundi para sa ating lahat at syempre para sa kabutihan. Sparkle is very proud to present Click Kindness."
Ang inisyatibong ito ay inspired sa yumaong Sparkle artist na si Emman Atienza, na isang mental health advocate.
Kaugnay nito, mensahe ng Click Kindness na i-extend ang pagpapakita ng kabutihan hanggang sa social media.
Patuloy ni Alden, "Naturingan tayong mga Pilipino na nagpapakita ng mga magagandang katangian sa tunay na mundo. Siyempre, gamitin rin natin ito online because our reach online combined is very powerful.
"Lahat ng posts natin dapat nagbibigay ng inspirasyon, hindi po nagbibigay ng hateful feedback, hindi nang-aaway, and only nagbibigay po ng pagmamahal and love."
Bukod kay Alden, nakiisa sa selebrasyon ng ika-30 taon ng Sparkle ang naglalakihang artista ng GMA gaya nina Julie Anne San Jose, Barbie Forteza, Bianca Umali, Jillian Ward, Miguel Tanfelix, at iba pa.
RELATED CONTENT: Sparkle Trenta: The 30th anniversary concert's list of artists and performers