
Tila ini-enjoy pa lalo ni Asia's Multimedia star Alden Richards ang kaniyang fitness era. Bukod kasi sa pagtakbo, sumabak na rin ang actor at host sa cycling. Kamakailan lang ay naabot niya ang pinakabagong milestone niya, ang matapos ang 61-kilometer bike ride.
Sa Instagram, ibinahagi ni Alden ang litrato niya na nagbibisikleta sa kalsada.
“Longest ride…so far. ” caption niya sa post.
Sa comments section, nakatanggap siya ng ilang papuri at mga mensahe ng paghanga mula sa mga kaibigan at fans, kabilang na ang kapwa Kapuso at triathlete na si Kristoffer Martin.
“Bumibilis ka na boi! Magpahabol ka naman,” komento ng singer-actor.
Komento naman ng social media influencer at mom athlete na si Marline Capones, isunod naman ni Alden ang 100km ride.
Sabi naman ni Kapuso actor Rodjun Cruz, tila nasa kundisyon si Alden sa kaniyang bike ride.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA ATHLEISURE LOOKS NI ALDEN SA GALLERY NA ITO:
Sa panayam kay Alden ni Nelson Canlas para sa GMA Integrated News ng 24 Oras nitong Biyernes, May 24, ibinahagi ng aktor ang ilan sa mga pagsubok na pinagdaanan niya. Aniya, itinuturing ng aktor ang 2024 bilang kaniyang “lowest year.”
“Inuuna ko muna lahat ng tao bago sarili ko. But last year, medyo--I think that was my breaking point kasi minsan 'di ba tayo, we always go out of our way to help other people. Ang nangyari sa akin, paglingon ko do'n sa timba ko, wala na palang natira sa akin. And then that broke me to a million pieces,” sabi ng aktor.
Sa ngayon, mas pinagtutuunan na muna umano ng pansin ng aktor ang pagmamahal at pag-aalaga niya sa sarili. Aniya, pinipili niyang tumakbo at magbisikleta para sa self-love.
Abangan si Alden bilang host ng Stars on the Floor na magkakaroon ng world premiere simula June 28, Sabado, sa GMA.