
Muling sasabak si Alden Richards sa isang kakaiba at exciting na karakter sa upcoming GMA medical drama series na Code Grey.
Sa report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras noong Lunes, June 29, inamin ng Asia's Multimedia Star na isa itong malaking hamon para sa kanya, lalo na ang pagganap bilang isang doktor sa serye.
"'Yung mga medical jargons, mga medical practices. Syempre kailangan, we have to make it seem like talagang alam na alam ko 'yung ginagawa ko as a doctor and as a surgeon," bahagi niya.
Ibinahagi rin ni Alden na mas pinagbubuti niya ang kanyang paghahanda upang mas maipakita nang makatotohanan ang mundo ng medisina at mas maintindihan ng viewers ang mga nangyayari sa loob ng ospital.
"Trying to ground the medical aspect and the medical world sa mga manonood natin para at least mabigyan natin sila ng insight at sa gayon, mas maintindihan din nila kung ano ba talaga 'yung nangyayaring drama at aksyon inside the hospital," aniya.
Makakasama ni Alden sa serye sina Christopher de Leon, Romnick Sarmenta, Andrea Torres, Faith Da Silva, Allen Ansay, Shuvee Etrata, Joross Gamboa, Christian Bautista, Kristoffer Martin, at Jon Lucas.
Samantala, mapapanood din si Alden sa romantic comedy series na Love, Siargao kasama si Nadine Lustre. Nagsimula itong ipalabas noong June 26 sa Viu Philippines.
Panoorin ang buong balita dito:
RELATED GALLERY: Kilalanin ang cast ng Code Grey, ang upcoming GMA medical drama series