
Sa latest episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, na-inspire si Alden Richards sa walong taong gulang na si Niño Dayon na ipinanganak na walang mga kamay.
Bumilib ang Pambasang Bae sa kanya dahil hindi hadlang ang kapansanan niya para mag-aral ng mabuti. Sa katunayan, isa siyang honor student sa paaralang kanyang pinapasukan kahit na mga paa lang ang kanyang ginagamit sa pagsusulat. Tumutulong din siya sa mga gawaing-bahay at magaling din sa pagkakarpintero.
"Daig mo pa, Niño, si Victor Magtanggol kasi si Victor Magtanggol nasa TV lang, ikaw sa totoong buhay," ani ng aktor.
Kaya bilang pagkilala sa kanyang pagsisikap, sinorpresa ni Alden si Niño ng isang customized chair na pwede niyang magamit sa bahay at ekswelahan. Nakatanggap din siya ng isang replica ng Mjolnir na tulad kay Victor Magtanggol.
Pero dahil sa labis na paghanga, hindi pa roon nagtapos ang sorpresa ni Alden para kay Niño. Nagprisinta ang aktor na sagutin ang pag-aaral nito hanggang makatapos ng kolehiyo.
"Sasagutin ko na po 'yung pag-aaral niya po hanggang college. Hindi na po kayo mamomroblema sa pag-aaral ni Niño, Ma'am. Ako na pong bahala," pahayag ng aktor.
Hindi naman napigilang maluha ng ina ni Niño na si Michelle dahil sa kasiyahan at saka nagpasalamat kay Alden.
Sa huli, ipinahayag ni Alden ang kanyang mensahe sa mga manonood.
"So, sana maraming na-inspire na manonood ngayon. Sana maraming natuwa na ang buhay ay hindi naman talaga madali pero tayo 'yung pwedeng gumawa ng paraan para mapaganda ito." saad niya.