
Tinuldukan na ni Alden Richards ang isyu at mga balitang matagal na silang kasal at may anak ng dating ka-love team na si Maine Mendoza.
Sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong January 25, diretsahang tinanong ng batikang TV host na si Boy Abunda si Alden kung totoo ba o hindi ang naturang isyu.
"Dahil meron pa ring naniniwala magpahanggang sa ngayon I think, na kasal kayo ni Maine, meron kayong anak ni Maine. What do you want to say?” tanong ni Boy kay Alden.
Dito na nakakuha ng pagkakataon si Alden na pabulaanan ang nasabing kuwento tungkol sa kanila ni Maine.
“Uulitin ko po during the AlDub era, nagpapasalamat po kami sa lahat ng suportang binigay niyo po sa amin and sa lahat po ng pagmamahal. masaya po kami na napasaya namin kayo,” ani Alden.
Paglalahad pa ng aktor, “But right now po kasi, kami po ni Maine, we're at a point na we're not getting any younger and we've already made, of course, our personal choices and we're very good friends up to this point.”
Paniniguradong tanong ni Boy, “Wala kayong anak at hindi kayo kasal?”
Mabilis na muling sinagot ni Alden, “Wala po."
Paglilinaw naman ng aktor, masaya at lubos siyang nagpapasalamat sa suportang ibinibigay sa kanya ng fans hanggang ngayon.
Aniya, "'Yung mga supporters ko ngayon, Tito Boy, is the best supporters I can have in this lifetime in my career. Kasi, no matter what I do or kung ano man po yung gusto kong gawin, they always support me one hundred percent.”
Matatandaan na itinuring na worldwide phenomenon ang tambalan nina Alden at Maine, na nakilala bilang AlDub, noong 2015 dahil sa dami ng kanilang fans sa loob at labas ng bansa. Ang tambalang ito ay nagsimula sa segment na "Kalyeserye" sa longest-running noontime show na Eat Bulaga.
Matapos ang halos walong taon, nagkaroon na ng bagong on-screen partners ang dalawa at magkahiwalay na ring gumagawa ng iba't ibang proyekto para sa kanilang showbiz careers.
Engaged na rin ngayon si Maine sa aktor na si Arjo Atayde, habang abala pa rin si Alden sa sunod-sunod na dating sa kanya ng mga proyekto.
Samantala, mapapanood ang Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA, BALIKAN DITO ANG ILANG SWEET MOMENTS NG ALDUB SA "KALYESERYE":