
Sa pagdiriwang ng GMA Network ng ika-70 anibersaryo nito ay muli nitong binigyang-diin ang importansiya ng pagpapalago ng kasaysayan ng bansa.
At katuwang ng istasyon ang homegrown talent nitong si Multimedia Star Alden Richards sa adhikain nilang ito.
Naging tampok na rin ang aktor sa historical period drama na Ilustrado kung saan siya gumanap bilang si Dr. Jose Rizal.
Bumida rin ang Centerstage host sa special documentary na Alaala: A Martial Law Special na ipinalabas ng GMA bilang paggunita sa 45th anniversary ng Martial Law.
“Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Dito sa GMA binibigyan namin ng pagpapahalaga ang ating kasaysayan sa pamamagitan ng ating mga programa,” aniya.
“Gusto naming ipakilala sa mga susunod na henerasyon na mga manonood ang kadakilaan ng ating mga bayani. Dito sa GMA, hindi lang tayo proud to be Kapuso kundi proud to be Filipino rin,” dagdag pa niya.
At upang mas maging malapit ang publiko sa kasaysayan, misyon ng GMA Network na maghandog ng mga programang hindi lamang kawili-wili kundi magbibigay din ng kaalaman sa mga manood.
Maaari nang mapanood online ang mga natatanging historical drama ng GMA. Kabilang diyan ang mga programang hango sa kasaysayan ng Pilipinas na layuning ipakilala ang makulay na kultura at politika ng bansa sa makabagong henerasyon tulad ng Amaya, Indio, Ilustrado, Alaala, at Katipunan.