
Bilang artista, hindi maiiwasan na magkakaroon ng kissing scenes sa kanilang mga proyekto. Ngunit para kay Alessandra De Rossi, ito ang isang bagay na iniiwasan niya bilang aktres.
Sa pagbisita ng aktres sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, October 8, napag-usapan nina King of Talk Boy Abunda at Alessandra, na kilala rin bilang Alex, ang mga konsiderasyon ng aktres sa pagpili ng role o project na gagawin.
“Actually, it has to have a strong message, 'yung material mismo. Minsan, siyempre, hindi naman talaga siya ganu'n. Minsan sobrang exciting naman ng role na 'to, gusto kong gawin 'to. Minsan, ang saya naman kasama nitong mga 'to, gusto kong gawin 'to,” sabi ni Alex.
Isang genre naman na iniiwasan din ni Alex ay horror.
Related gallery: Alessandra De Rossi, hirap tumanggap ng papuri:
Nang tanungin siya ng batikang host kung okay ba kay Alex ang kissing scenes sa mga proyekto niya, deretsang sinagot ni Alex na “Ayaw ko.”
Pagpapatuloy pa niya, “Hindi rin sila required sa mga films ko na ganu'n. Dito, meron kaming konti sa Everyone [Everyone Knows Every Juan]. Tapos tinanong ako, 'Ipapaktia ba 'yun?' 'Hindi siya ipapakita, mababanggit lang talaga siya.' Ganu'n, hindi niya kailangang visually ipakita.”
Meron man siyang ginawang kissing scenes sa mga dating proyekto, inamin ni Alex na nandidiri siya dito. Aniya, nanggaling ang pandidiri niya sa kissing scenes noong una siyang gumawa nito noong 16-17 years old siya, na inabot ng eight takes.
“Nasaktan ako, na pwede palang mangyari 'yun, na hindi mo kontrolado, 'Another shot, another take, another take.' Sumasakit 'yung katawan ko,” sabi ni Alex.
Naalala din niya umano ang sasabihin ng tatay niya kapag napanood ang naturang eksena, at tinanong ang sarili kung magiging proud ba ito.
Ngunit tanong ng batikang host sa kaniya, “Nasaan 'yung aspeto ng pagiging aktor? Nasaan yung make believe?”
Pag-amin ni Alex, naiintindihan niyang parte iyon ng pagiging isang artista, ngunit puwede naman umanong dayain ang mga ganoong eksena, lalo na at mas gusto niyang gumawa ng mga proyekto na mapapanood ng mga bata.
Pag-amin pa ni Alex ay nawalan siya ng ilang major projects dahil dito, ngunit wala naman siyang pagsisisi.
“May isa, may exposure kasi kapapanganak lang, or 'yung isa, importante talaga 'yung love scene kasi something, something. Malaking projects sila, pero hindi naman ako nagsisi,” sabi ng aktres.