
Bibida sa 2023 Metro Manila Film Festival entry ng GMA Public Affairs na Firefly ang award-winning actress na si Alessandra De Rossi. Pero sa kabila ng kanyang tuloy-tuloy na magandang takbo ng karera, kumusta naman kaya ang lagay ng puso ngayon ni Alessandra?
Sa pagbisita ni Alessandra sa Fast Talk with Boy Abunda, kinumusta ng batikang TV host ang aktres.
“Kumusta ang lagay ng puso mo?” tanong ni Boy kay Alessandra.
Saglit naman na natahimik ang aktres bago nakasagot. “Ikaw muna?” balik na tanong ni Alessandra kay Boy.
“Ang lagay ng puso ko ay maganda, mabuti,” sagot naman ni Boy.
“Ako rin,” proud na sinabi ni Alessandra.
“But really, how are you?” muling tanong ni Boy.
Ayon kay Alessandra, masaya siya sa estado ng kanyang buhay ngayon at wala siyang ibang hinahanap sa ngayon.
Aniya, “Okay ako. Parang nandoon ka na sa mature, 'yun basta 'yun na 'yun.”
“You don't need anything to make you happy” pagsuporta ni Boy sa sinabi ni Alessandra.
“Oo. God, siyempre. Parang wala akong hinihingi talaga,” dagdag naman ng aktes.
Pinuri naman ni Boy si Alessandra sa pagiging totoo nito sa kanyang sarili sa kabila ng pagiging magulo ng showbiz.
“Ako gusto ko lang sabihin, salamat for being who you are, salamat for all that you do as an actor, salamat for all the dreams that continue to inspire us,” ani Boy.
Dagdag pa niya, “From the bottom of my heart, I vow to you as a person, as an actor, alam mo kung bakit? Sa dami ng distractions, sa dami ng ingay dito sa industriya, you decided to stick to who you are.”
Napangiti naman si Alessandra sa sinabi ni Boy. Aniya, “Kailangan e. Kasi pagkatapos ng buhay na 'to may haharapin pa tayo roon.”
Panoorin si Alessandra sa pelikulang Firefly, kasama sina Euwenn Mikael, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Max Collins, at Dingdong Dantes. Mapapanood ang Firefly simula sa December 25, 2023.