
Sabay na bumisita sa studio ng Fast Talk with Boy Abunda sina Alfred Vargas at kanyang asawang si Yasmine Espiritu.
Related gallery: IN PHOTOS: Alfred Vargas and his picture-perfect family
Sa pakikipagkumustahan nila sa King of Talk na si Tito Boy Abunda, masayang inalala nina Alfred at Yasmine ang kanilang unang pagtatagpo.
Kuwento ng politician-actor, taong 2008 nung una niyang nakita si Yasmine sa Sta. Cruz, Laguna.
Nagtungo noon si Alfred sa Laguna matapos siyang maimbitahan ng late director na si Direk Maryo J. Delos Reyes na mag-perform sa naturang event.
Pahayag pa niya, “Rewind muna tayo sa backstage. Artista ako nun, mayroon ding ibang artista na nandoon tapos napansin ko parang mas maraming nagpapa-picture sa isang tao roon at siya [Yasmine Espiritu] 'yon.”
Kasunod nito, inamin ni Alfred na na-love at first sight siya kay Yasmine, “Sabi ko, grabe ang ganda niya. So, love at first sight talaga.”
Napaamin din si Yasmine na crush na niya noon si Alfred nung napanood niya ang huli sa isang palabas sa telebisyon.
Pahayag niya, “Naalala ko pa noon nasa sala kami kasi 'di ba noon kapag nanonood ng afternoon drama, nakita ko siya [Alfred Vargas]. Sabi ko kay Lola, 'Sino 'yan?' Sabi niya, 'si Alfred Vargas.'”
Sabay namang kinilig ang power couple at si Tito Boy nung inilahad ni Yasmine na nabanggit niya noon sa kanyang lola na naniniwala siyang si Alfred ang kanyang mapapangasawa at nangyari nga ito.
Ikinasal sina Alfred at Yasmine noong 2017 at sa kasalukuyan ay mayroon na silang apat na anak: sina Alexandra Milan, Aryana Cassandra, Cristiano, at ang youngest na si Aurora Sofia.