
Isang taon na ang nakalilipas simula nang mahinto ang live gigs ng singers, dancers at iba pang performers dahil sa COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga naapektuhan ang singers na sina Alisah Bonaobra at Myko Mañago.
Ayon sa dating X-Factor UK contestant, may pagkakataong tinamaan na siya ng sobrang lungkot dahil sa pandemya.
Aniya, "Yes, nag-hit talaga sa akin ang pandemic personally.
"Hindi po talaga kayo makakapaniwala, nakapag-compose po ako ng kanta dahil nagkaroon ng pandemic.
"Ano kasi, during that time, para na akong nalulungkot dahil sa pandemic.
"At the same time, namatayan po kami, yung lolo ko, so sobrang hirap.
"Pero naisip ko na lang that time na idaan ko na lang sa kanta kaya nakapagsulat po ako ng kanta.
"'Yun po 'yung naging way ko para ma-overcome ko 'yung pandemic."
Sa kabilang banda, wala naman daw malaking pagbabago sa pamumuhay ni Myko nang magkaroon ng pandemya.
"Kaunting adjustment lang po," sabi ng dating singing contest champion.
"Online gamer po kasi ako. Kaya ko po minsan three days, five days o isang linggo na walang labasan ng bahay.
"Okey lang sa akin kasi mayroon naman akong pinagkakalibangan.
"Sa pagkanta, thankful ako sa RJA productions kasi talagang ginawa nila kaming busy, so hindi ko talaga naramdaman na pandemic.
"Una, binigyan nila kami ng singles, 'tapos binigyan nila kami ng live shows. Talagang naka-focus lang kami doon."
Dahil sa paghinto ng live shows, natuon ang pansin ng dalawang singers sa online shows na ipinoprodyus ng kanilang talent management, ang RJA Productions.
Bagamat marami na ang nag-aabang sa kanilang weekly show, ramdam nina Alisah at Myko na tila may kulang pa rin.
Sabi ni Myko, "Nami-miss namin talaga 'yung face-to-face na gig.
"Kasi, 'yung human interaction, 'yung real-time interaction, 'yun ang talagang pinakamami-miss mo.
"Kasi, sa livestream, ang kaharap lang camera, makikita mo lang 'yung mga comments. Iba pa rin talaga kapag nakikita mo na 'yung face-to-face."
Para naman kay Alisah, "Nakapag-adjust ako by just imagining na nandito sila. 'Yan yung power of imagination.
"Kasi, sa mga comments din nila makikita mo kung gaano sila kasaya.
"'Yung aming weekly live shows, nakakatuwa kasi nagme-message sila na, 'Wala kayong live ngayon?'
"Nakakatuwa na hinihintay din nila kasi nakakapagbigay saya rin po.
"Nakapag-adjust pero iba pa rin talaga kapag 'yung ambiance crowded 'tapos maingay, ganyan."
Dagdag pa niya, "Ibang-iba talaga. Kapag live kasi, 'yung adrenalin rush kung tawagin, 'yung ambiance, 'yung fog, 'yung mga palakpakan ng mga tao, 'yun po kasi talaga 'yung nakakapagbigay lakas sa amin bilang performer, na gawin 'yung hundred and fifty percent best sa mga live show."
Gayunman, nagpapasalamat ang dalawa dahil sa pamamagitan ng online shows ay may bago silang natutunan, ang pagho-host.
"With our weekly live shows, mas natutunan ko na mas masanay mag-host," nakangiting pahayag ni Alisah.
"Kasi we do our hosting din po sa RJA Prroductions, talagang kapaan po.
"Siguro, as of the moment, we have 15 plus livestreams na po together, so talagang mas naging gamay kami sa isa't isa.
"And 'yung batuhan talaga ng jokes, tinginan lang namin, alam na namin ang mg kalokohan namin sa isa't isa. 'Yun po 'yung isa talaga sa mga nakasanayan na namin sa live shows."
Pag-alala naman ni Myko, "Kasi before, especially noong nagba-band pa ako, sa mga gigs, talagang wala akong masabi.
"'Yun 'yung isa sa mga kahinaan ko talaga, 'yung spiels, 'yung pagsasalita.
"Minsan, kasi may kasama ako palagi, sinasabi na niya lahat ng spiels 'tapos sasabihin ko lang, 'Yes, this is my song.'
"Kahit papaano, natutunan ko kung paanong hindi mag-stutter na rin kapag nagsasalita.
"Sobrang thankful na ako nun para at least after pandemic ay ready na ako."
Samantala, bukod sa online shows, naglabas na rin sina Alisah at Myko ng bagong kanta, ang "Pangako."
Sabi ni Alisah tungkol dito, "Made-describe ko ang song as literal na promise song.
"Alam mo 'yung parang ini-imagine namin nasa kasal, ganyan. So, parang eternal love, kumbaga, nakaka-inspire, at the same time.
"Kahit sino ay makaka-relate sa song."
Mararamdaman naman daw sa kanilang music video ang kahulugan ng kantang "Pangako."
Ayon kay Myko, "Noong shinu-shoot na 'yung music video at nire-record na 'yung kanta, 'di mo mapipigilan ang pakiramdam mo na mailabas doon sa kanta kung ano 'yung talagang nararamdaman mo, which is 'yung pagmamahal sa song right after nang marinig namin.
"Basically, ['yung 'Pangako'] is a promise na lahat gagawin ko at kahit anong challenges ay ikaw na. 'Yun ang promise."
Panoorin ang music video rito:
Samantala, kilalanin pa si Alisah Bonaobra sa Playlist Extra video na ito: