
Labis ang pagkamangha ng Kapuso heartthrob na si Allen Ansay nang sa wakas ay matupad na ang matagal niyang pangarap na makapasok sa loob ng Pinoy Big Brother house.
Matapos lumabas sina Ethan Benares at Calix Esguerra bilang unang Kapuso at Kapamilya evictees sa Bahay ni Kuya, may mga bagong mukha namang sinalubong ang mga manonood nitong Linggo, Nobyembre 15.
Kinumpirma sa Pinoy Big Brother Collab 3.0 ang pagpasok ng bagong housemates, at isa na rito si Allen na ipinakilala ni Kuya bilang ang “Bro-binsiyanong Dreamer ng Camarines Sur.”
Sa isang post sa Instagram bago ang kaniyang tuluyang pagpasok sa reality competition, ibinahagi ng Sparkle actor ang kaniyang pananabik at pasasalamat.
“Finally, nagkatotoo na! Official housemate na ako sa Bahay ni Kuya!” sulat ni Allen sa kaniyang caption.
Ibinida rin niya ang kaniyang excitement na mas makilala pa ng publiko ang tunay niyang pagkatao sa pamamagitan ng programa.
“Excited na akong ibahagi ang kwento ko at mga pangarap ko. Ngayon, mas makilala nyo na si Allen Ansay, ang Bro-binsyanong Dreamer ng Camarines Sur!” dagdag pa ng Kapuso actor.
Sa kaniyang pagtatapos, isang pahayag sa Bicolano na puno ng pag-asa at pasasalamat ang kaniyang isinulat: “Dios mabalos!”
Umani rin ng suporta si Allen mula sa kaniyang kapwa Sparkle artists sa comments section, kabilang na sina Kris Bernal, Roxie Smith, Herlene Budol, Shaira Diaz, at Analyn Barro.
“My big winner,” sulat ni Kris.
“Panalo na 'to!” komento naman ni Herlene.
Sabay namang nag-cheer sina Roxie at Shaira ng “Go Allen!”
“Yaaay!! Ayan na! Go Allen!” masayang komento naman ni Analyn.
Samantala, kasabay pumasok ni Allen sa Bahay ni Kuya ang kapwa Sparkle artist na si Ronnie Pasamba o ang “Varsity Cutie ng Bulacan,” pati na rin ang mga Kapamilya artists na sina Daniela Stranner o ang “Sassy Cabalen ng Pampanga” at Lorelaine Sañosa o ang “Devoted Dancer ng Quezon City.”
Bago pumasok sa Bahay ni Kuya, unang nakilala si Allen bilang First Prince o runner-up sa reality talent search na StarStruck Season 7 noong 2019.
Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang kaniyang karera bilang isang GMA artist kung saan bumida siya sa ilang sikat na Kapuso series gaya ng Prima Donnas (2022), Luv Is: Caught in His Arms (2023), at Prinsesa ng City Jail (2025). Isa rin siya sa mga host ng noontime variety show na TiktoClock.
Huwag palampasin ang mga susunod na kaganapan sa Pinoy Big Brother Collab 3.0.
Mapapanood ito sa GMA at Kapuso Stream, Lunes hanggang Biyernes, 9:35 p.m., tuwing Sabado, 6:15 p.m., at 4:55 p.m. naman tuwing Linggo.
Related Gallery: Next-gen leading man Allen Ansay's transformation from cutie to hottie