
Puno ng saya at kilig vibes ang Tiktropa nitong Miyerkules (February 4) matapos masaksihan ang isa na namang matamis na moment nina Allen Ansay at Sofia Pablo.
Sa kanilang nakakakilig na performance sa TiktoClock, sinorpresa ni Allen ang lahat nang maghanda siya ng isang espesyal na Valentine's date proposal.
Matapos abutan ng bulaklak si Sofia, bigla siyang lumuhod sa gitna ng stage habang may hawak na regalo.
"Hindi ko na ulit hahayaang mawala ka ulit sa akin, Aki. Will you be my Valentine date?" tanong ni Allen.
Masayang tinanggap ni Sofia ang munting handog at agad na niyakap ang Kapuso star. Hindi mapigilang ikinatuwa ng buong Tiktropa at ALFIA fans ang nakakakilig na moment ng dalawa.
"Allen, may tanong si Herlene (Budol) kanina. Sabi niya, 'Kumusta na ang puso nating ngayong Feb-ibig?'" ani Kim Atienza.
"Grabe 'yung heartbeat, Kuya Kim. Masayang, masaya!" sagot naman ni Allen, na ikinatawa ng lahat.
Mas lalo pang kinilig ang audience nang maglaro ang Team Jolly sa masayang hulaan segment na “Kapa Muks.”
Game na game si Sofia sa paghula ng mga bagay na inaabot sa kanila ng ibang guests. Napatili pa ang lahat nang magkadikit ang mga mukha nina Allen at Sofia sa kalagitnaan ng laro.
Sa huli, nagwagi ang team ni Sofia matapos makakuha ng mas maraming tamang hula.
"Actually, hindi pa rin ako makapaniwala kasi may nagre-reply na sa akin kapag nagte-text ako ngayon," pabirong dagdag ni Allen.
Bago ang kanilang reunion, ipinakita rin ni Sofia Pablo ang kanyang kabutihan at positibong energy sa loob ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0. Gayunman, nagtapos ang kanyang PBB journey matapos ma-evict mula sa Bahay ni Kuya kasama ang Kapamilya housemate na si Eliza Borromeo.
Mapapanood naman ang Team Jolly sa upcoming horror film ng GMA Pictures at Mentorque Inc. na Huwag Kang Titingin. Kasama rin sa cast sina Marco Masa, Sean Lucas, Michael Sager, Charlie Fleming, Josh Ford, Kira Balinger, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, at marami pang iba.
Subaybayan ang TiktoClock tuwing 11:00 a.m. sa GMA Network at Kapuso Stream!
Samantala, silipin ang sweet photos nina Allen Ansay at Sofia Pablo sa gallery na ito: