
Buong-tapang na ibinahagi ni Allen Ansay ang kaniyang tunay na naramdaman sa muling pagtatagpo nila ng kaniyang dating ka-love team na si Sofia Pablo, kasama ang kasalukuyang katambal nitong si Iñigo Jose. Ito ay nangyari nang bumisita ang dalawa sa noontime show na TiktoClock, kung saan isa siya sa mga host.
Sa kaniyang pagbisita sa ginanap na episode ng Chika Cart noong Martes, Oktubre 20, binalikan ni Allen at ang mga host ng programa na sina Baninay Bautista, Donita Nose, at Jeff Fernando ang masayang episode ng TiktoClock, kung saan game na game na nakilaro sina Sofia at Iñigo.
Kuwento ng Kapuso actor, naging masaya ang naturang episode ng TiktoClock dahil sa kompetisyon at sigla ng lahat.
“Masaya 'yung episode na 'yan kasi d'on sa game, competitive talaga. S'yempre dahil nasa TiktoClock ako, game na game din ako,” ani Allen.
Nang tanungin naman kung may naramdaman ba siyang ilang o awkwardness nang magkasama silang tatlo nina Sofia at Iñigo, diretsahang tugon ng aktor: “Wala naman.”
Binigyang-diin pa niya na naging maayos at propesyonal ang naging paghihiwalay nila ni Sofia bilang magkapareha sa trabaho, kaya naman nananatiling matatag ang kanilang pagkakaibigan.
“Lagi ko namang sinasabi na kami ni [Sofia], before maghiwalay ang love team namin, sobrang okay talaga kami. Kailangan naming maghiwalay ng trabaho kasi kailangan din naming mag-grow para sa sarili namin,” pahayag pa ng Kapuso actor.
BALIKAN: Sweetest photos ng Team Jolly:
Nagbahagi pa si Allen ng patunay na maganda pa rin ang kaniyang ugnayan kay Sofia sa pamamagitan ng pagbibiro rito sa backstage.
“Meron. Nag-joke pa nga ako sa kaniya sa likod. 'Anong aso ang matamis, [edi] aso-kal.',” kuwento ni Allen.
Dahil sa patuloy raw na pambabatikos o pagpuna ng ilang fans kay Sofia mula nang matapos ang kanilang love team, minabuti ni Allen na muling maglinaw upang matigil na ang anumang maling haka-haka.
“Lilinawin ko, marami kasi sa mga fans talaga na minamasama si Sofia; uulitin ko, okay na okay kaming dalawa, okay rin kami ni Iñigo. Friends kaming lahat, wala talagang problema,” paglilinaw ni aktor.
Nagsimula ang tambalan nina Allen at Sofia, na mas kilala ng kanilang mga tagahanga bilang “Team Jolly,” noong taong 2019 matapos silang magkasama sa ilang proyekto ng GMA Network.
Lalo pang minahal ng publiko ang kanilang tambalan dahil sa kanilang likas na sweetness at chemistry sa mga palabas tulad ng Luv Is: Caught in His Arms at Raya Sirena, pati na rin sa kanilang mga tanyag na vlogs at social media content.
Samantala, nagkakilala sina Sofia at Iñigo sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.
Panoorin ang Chika Cart para sa hottest and trending showbiz stories. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 5:15 p.m. hanggang 6:00 p.m. sa GTV, ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube at sa GMA Network TikTok account!
Mapapanood din ang Catch-Up Episode sa Kapuso Stream tuwing 9:30 p.m.
Huwag din palampasin ang Chika Cart Add Pa More! tuwing 6:00 p.m. hanggang 6:30 p.m. sa ATM (Adventure.Taste.Moments) YouTube at sa GMA Network TikTok account.
Manatiling updated sa mga pinakabagong chika, exclusive content, at trending topics sa pamamagitan ng pagbisita sa opisyal na GMA Network website at social media pages ng Chika Cart:
Facebook: https://www.facebook.com/ChikaCartGTV
Instagram: https://www.instagram.com/chikacartgtv/
BASAHIN: Allen Ansay, itinigil na ang panliligaw kay Sofia Pablo; may pakiusap sa kanilang fans