
Sa loob ng mahigit dalawang taon, maraming natutunang leksyon si Althea Ablan sa kanyang karakter sa Prima Donnas na si Donna Belle.
Ngayong nalalapit na ang finale ng Prima Donnas Season 2, aminado si Althea na hinding-hindi niya malilimutan si Donna Belle dahil sabay na silang nagdalaga.
"Ang dami kong hindi makakalimutan sa Prima Donnas. Ako, una sa lahat, si Donna Belle kasi si Donna Belle, sobrang palaban siya, e, sa tatlong magkakapatid siya 'yung pinakapalaban," saad ni Althea sa virtual media conference ng Prima Donnas noong Martes, April 26.
"And positive 'yung mind niya and from Book 1, sobrang nag-mature talaga 'yung character ni Donna Belle dahil mapapansin natin nung Book 1, parang aso't pusa sila ni Brianna, e," pagpapatuloy ni Althea. Si Brianna ang naging kontrabida sa buhay ni Donna Belle at ng kanyang mga kapatid na ginagampanan ni Elijah Alejo.
"Dito nung Book 2 is nag-mature siya dahil sinasabi nga niya, 'yung tao nagbabago. So parang sinabi niya 'yun sa sarili niya na kaya niyang mag-accept ng tao kahit na iniikot 'yung ulo niya, 'di ba?
"Ang dami pong nagsasabi na nag-iba 'yung character ko this Book 2 but then mas naging maganda 'yung character niya and mas naging mature si Donna Belle."
Mapapanood ang huling linggo ng Prima Donnas sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng Eat Bulaga.
Samantala, mas kilalanin pa si Althea sa mga larawang ito: