
Kasabay ng pagsasama-sama ng ilang artista sa mga proyekto ay ang pagkakabuo rin ng kanilang pagkakaibigan. Isa nga dito ay ang sa mga bida ng Prima Donnas na sina Althea Ablan, Jillian Ward, at Sofia Pablo.
Ngunit tulad ng ibang pagkakaibigan, nagkakaproblema din ito, at hindi eksepsyon ang pagkakaibigan ng tatlong dating bida ng naturang hit GMA Afternoon Prime series.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, binalikan ni Althea Ablan ang pagkakaibigan nila nina Sofia at Jillian. Aniya, tama ang sinabi ni King of Talk Boy Abunda na hindi competition ang tingin niya sa mga ito.
“I don't see my co-actors n a nakikipag-compete po ako sa kanila kasi kung ano 'yung love ko, kung ano 'yung gusto ko talagang gawin, 'yun ýung focus ko lang talaga, e. Nagwo-work talaga ako,” sabi niya.
Dugtong pa ng aktres, iba ang pagkakaibigan niya kina Jillian at Sofia sa trabaho.
Kuwento ni Althea, pagpasok pa lang niya sa GMA ay kaibigan na niya si Sofia at itinuturing niya ito bilang kaniyang matalik na kaibigan.
“Then nu'ng Prima Donnas, parang nagkaroon ng something na hindi naman po talaga maiiwasan. Which is mga bata pa naman po kami nu'n, Tito Boy,” sabi ni Althea.
Pagpapatuloy ng aktres, “But now, gusto ko lang po makita sila na maging successful sila sa bawat career nila, and for myself na rin po, Tito Boy. Kasi may kaniya-kaniya naman po kaming mga - unique, unique kami.”
Nilinaw naman ni Althea na okay sila ngayon nina Sofia at Jillian. Sa katunayan, hanggang ngayon ay nakakusap pa rin niya ang dalawang kaibigan.
TINGNAN ANG ILANG CELEBRITIES NA NAGKAAYOS DIN MATAPOS ANG HIDWAAN SA GALLERY NA ITO:
Matatandaan na noong January 2025 nang magbahagi ng saloobin niya si Sofia sa gap nila ni Jillian. Pagbabahagi ng aktres sa panayam ni Nelson Canlas sa kaniya para sa GMA Integrated News Interviews, umabot na ng apat na taon ang kanilang gusot at hindi na nila ito napag-usapan.
“Pero the truth is, I say that para iwas na issue sa amin both. Kumbaga, it's a feud na sobrang tagal na. I think one of the things kaya 'di namin siya naayos is because we never got to talk about it,” sabi ni Sofia.
Ngunit iba naman ang sinasabi ni Jillian Ward sa hiwalay na interview ni Nelson. Sabi ng aktres, wala siyang oras makipag-away sa kahit kanino at hindi niya alam kung saan nanggaling ang isyu diumano nila ng dating co-star.
“I'm just confused on what's happening. I feel like what we need right now with everyone is to focus on ourselves and to be very honest with everyone around us and with ourselves,” sabi ni Jillian.