
Simula pa lang ng taon ay meron nang mga napabalitang namayapa at karamihan dito ay biglaan at walang naiwan na habilin. Ngunit isang ama ang tila handa na sa kaniyang sinapit dahil bago pa man siya nawala ay naihanda na niya ang malaking pamana para sa pamilya.
Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, January 7, ay ibinahagi ni Recca Ricamora ang kuwento ng kaniyang ama na si Reynold at ang naiwan nito para sa kaniyang pamilya.
Ayon kay Recca ay bata palang sila ay isa nang line man ang kaniyang ama. Ngunit dahil sa aksidente kung saan nahulog ito sa tulay ay nabalian ito ng spinal chord at hindi na makalakad o makatayo.
“Simula po noon, nandito na lang po siya sa bahay, nakahiga,” sabi ni Recca.
Ang asawa naman ni Reynold na si Alelie, napilitang magtrabaho sa ibang bayan para itaguyod ang kanilang pamilya.
“Sobrang hirap po talaga. Nung una po, in denial pa ako. Sobrang mahal na mahal ko po siya,” sabi niya.
Dagdag pa ni Recca ay natuto sila maghanap-buhay ng kapatid niyang si Reylie at nagtinda sa school para may pangbaon.
Ayon pa kay Alelie ay hindi pa matanggap noon ni Reynold ang kaniyang sitwasyon kaya noong 2012 ay nag-loan sila at nagpatayo ng isang maliit na tindahan.
“Ang naging set-up po ni papa, tagasukli sa tindahan tapos may kinuha lang sila na isang boy na siya po ang tagabigay,” sabi ni Recca.
Dagdag pa niya, “Napalago niya po nang napalago ang tindahan. Sobrang proud. Sa kabila nga ng kondisyon niya, na-provide niya lahat, napaginhawa niya 'yung buhay namin.”
Abril noong 2023 nang mapansin nilang may dugo ang ihi ni Reynold ngunit hindi ito nagpadala sa ospital. Noong umihi na talaga siya ng dugo ay tsaka lang siya nadala sa ospital at dito nila nalaman na mayroon palang cancer sa urinary bladder ang kaniyang ama.
At noong Disyembre 2023 ay binawian na ng buhay si Reynold. Nanghinayang sina Recca na hindi nila naagapan ang sakit ng ama.
BALIKAN KUNG PAANO INALALA NG ILANG CELEBRITIES ANG KANILANG MGA NAMAYAPANG MAHAL SA BUHAY DITO:
Aminado si Recca na umasa siyang mapapanaginipan nila ang kaniyang ama upang magbigay ng habilin sa kanila. Hindi man nila napanaginipan si Reynold, ayon kay Recca, ay merong nagtutulak sa kaniyang maghanap ng sulat mula sa kaniyang ama.
“Nandun po ako sa tinadahan na iniwan niya, nakarating ako dun sa luma niyang cabinet. Binuksan ko siya isa-isa, meron akong nakita sa ilalim, naka-plastic siya. Planner siya. Binuklat ko,” pagbabahagi niya.
At doon, nakasulat ang mensahe ng kaniyang ama, pati na rin ang mga habilin at tila pamana na nito sa kaniyang mag-anak.
“Kay Recca, house and lot, farm sa Siain, 50 sqm sa Lucena, Reylie, house and lot, farm sa San Vicente, lote sa Bagong Silang. Bank account, hayaan n'yo na ang ina n'yo dun,” sulat ni Reynold.
Ngunit ang ikinabigla nila ay ang habilin nitong paghatian nilang tatlo ang naiwan niyang mga gold na alahas.
Ayon kay Recca ay mababa pa ang presyo ng ginto noong magsimulang mag-buy and sell ang kaniyang ama at inipon ang mga nabibili nitong ginto.
“Pinapagawa po niya ng alahas para ikino-convert niya 'yung pera sa ginto para tumataas daw po 'yung value,” pagbabahagi ni Recca.
Dagdag pa niya, “Nakapag-invest po siya ng farm sa Brgy Siain. Bago po siya mamatay, nakapag-invest po siya ng isa pang farm para naman sa kapatid ko. Lagi po niyang sinasabi na 'in case mawala ako, may ibibigay ako sa inyong magkapatid.'”
Sa dulo ng sulat ay nag-iwan ng habilin si Reynold sa kaniyang mga anak, “Hayaan daw namin na makapag-relax ang aming ina. Dahil daw sa haba ng panahon ng pag-aalaga ni mama sa kaniya, maging mabuti kami sa aming mga asawa dahil 'yan lang ang makakasama namin habang buhay.”
Pagpapatuloy nito, “'Wag daw namin pababayaan 'yung mga negosyong iniwan niya, 'yung mga niyogan na iniwan niya.”
Sa huli ay pinasalamatan ni Recca ang kaniyang ama sa pagtaguyod nito sa kanila kahit pa hindi na ito makalakad.
“Salamat sa lahat lahat ng sakripisyo ninyo. Napakahirap na wala ka na, na hanggang ngayon sobrang sakit. Hindi na namin alam kung papaano kami magsisimula nang wala ka,” sabi niya.
Dagdag ni Alelie, “Sanay po ako na lagi siyang nasa tabi ko, may kakuwentuhan ako. Sobrang sakit po, hanggang ngayon po.”
Panoorin ang buong segment dito: