
Pinaniniwalaan ng Philippine National Police (PNP) na patay na ang American vlogger na si Elliot Eastman na kinidnap mula sa kanyang tahanan sa Sibuco, Zamboanga del Norte.
Taong 2023 nang pumunta sa Pilipinas si Elliot na lumaki sa Vermont sa Amerika. Sa Sibuco ay napangasawa siya ng Pilipinang si Karisha Jala Eastman at nagtayo sila ng sari-sari store.
Sa isang video na ini-upload niya noong September 28, 2024, sinabi ni Elliot na may mga taong gusto siyang i-kidnap.
"People come here to tell my family that there's people that want to kidnap me," saad ni Elliot sa isa sa huli niyang vlogs.
Gabi ng October 17, dinukot ng mga hindi nakilalang lalaki na nagpakilalang mga pulis. Itinanggi naman ng mga pulis sa Sibuco na may kinalaman sila pag-kidnap kay Elliot.
Kuwento ni Karisha, "Patulog na kami and may narinig po 'yung nanay ko."
Dagdag ng nanay ni Karisha, (translated by the program), "Kumatok ng dalawang beses tapos ang sabi, 'Tao po, tao po!' Hindi namin nabuksan ang pinto namin kaya sinipa nila kaagad."
Pagpapatuloy ni Karisha, "Paglabas namin, tinutukan agad kami ng baril."
Noong October 27, sumuko sa mga awtoridad ang dalawang suspek, na naging daan sa pagsuko rin ng pangatlo nilang kasama. Sumuko man sa mga pulis, nanatiling tikom ang bibig ng tatlo kung ano ang nangyari kay Elliot.
Noong nakaraang linggo, inilahad na ng PNP na mayroon na silang saksi na makakapagbigay-linaw sa nangyari kay Elliot.
Panoorin ang buong ulat sa Kapuso Mo, Jessica Soho: