
Isa ang beteranong aktres na si Amy Austria sa mga bibida sa upcoming drama series ng GMA Afternoon Prime na Mommy Dearest. At isa umano sa mga naging malaking tulong sa kaniya para magtagal sa industriya ay ang disiplina niya sa trabaho.
Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, nagbalik tanaw si Amy sa naging paglalakbay niya sa showbiz industry. Aniya, naging mabait naman ang show business sa kaniya at kahit pa nagsipag siya nang husto, hindi naman siya nahirapan dahil na rin sa disiplina niya sa trabaho.
Nakuha ni Amy ang disiplina sa bahay pa lang dahil bata pa lang ay tinuturuan na siya ng kaniyang nanay na maging responsable. Mula sa pamamalengke at pagsasaing, hanggang sa paghugas ng pinggan at paglalaba ay nagagawa na niya sa edad na lima.
“May isang mumu lang ng kanin sa kusina, mapapalo ka na so kailangan lahat gawin mo nang tama, lahat kailangan gawin mo nang maayos, lahat gawin mo nang maganda, lahat gawin mo nang nasa oras. 'Wag mong ipagpabukas or mamaya na, 'yung kailangan mong tapusin, tapusin mo na,” sabi ni Amy.
Pagpapatuloy pa ng aktres ay nadala niya ang disiplinang natutunan sa bahay hanggang sa trabaho nang pumasok siya sa show business. Pag-amin ni Amy, hindi man siya ang pinakamagaling sa isang proyekto, kailangan niyang magawa ang pinakamahusay na kaya niyang gawin.
“Tulad ng sinabi ko, gawin kong pinaka magandang magagawa ko, pinaka maayos na magagawa ko, 'yung tama, 'yung tama ang gagawin mo,” sabi ng aktres.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND THE SCENES PHOTOS NG 'MOMMY DEAREST' PHOTOSHOOT SA GALLERY NA ITO:
Pahayag pa ng aktres, isang dahilan kung bakit gusto niyang handa na agad siya pagdating sa set ay dahil ayaw niyang maging pabigat.
“Ayokong ma-delay, ayoko [maging] cause of delay dahil ang laki ng budget ng taping. May isang minuto lang na madelay ang bawat isang eksena, e kung 25 ang eksena, edi 25 minutes na 'yan. Tapos 25 minutes kayong made-delay pero normally, 10 minutes, kung ilang eksena 'yan,” sabi ng aktres.