
Sa Tadhana: Contract Lover, Isang huwarang estudyante si Cindy, valedictorian sa high school at kilala sa kaniyang sipag at talino. Ngunit sa kabila ng kaniyang tagumpay, mabigat ang pasan niyang responsibilidad bilang ulila sa magulang, kasama lamang ang kaniyang ate na si Carol. Nang maaksidente at ma-comatose ang kapatid, napilitan si Cindy na isantabi ang kaniyang mga pangarap at tumigil sa pag-aaral upang maghanap-buhay. Bilang bartender, buong lakas niyang hinarap ang hamon ng buhay, gagawin ang lahat upang matustusan ang mahal na gamutan ng kaniyang ate.
Sa kanyang bagong mundo, muling makakasalubong ni Cindy ang dating kaklaseng si Roxanne, ang taong minsang nagbigay sa kanya ng hirap at sakit ng ulo noon. Ngunit hindi lamang iyon ang kapalarang naghihintay sa kanya. Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, magtatagpo rin sila ng dati niyang tutor at manliligaw na si Robin. Sa muling pagkikita, muling mabubuhay ang mga damdaming matagal nang naisantabi. Ngunit sa gitna ng responsibilidad at sakripisyo, matutuloy pa kaya ang naudlot nilang pag-iibigan? At higit sa lahat, magigising pa kaya ang kaniyang ate mula sa coma?
Tunghayan ang makabagbag-damdaming kuwento ng pag-ibig, pamilya, at sakripisyo sa Tadhana: Contract Lover ngayong Sabado sa #Tadhana, 3:15 PM sa GMA-7 at sa GMA Public Affairs' Youtube and Facebook livestream.