
Sa naganap na press conference ng Alyas Robin Hood noong August 8, inihayag na ni Andrea Torres na nasa ilalim na siya ng pangangalaga ng GMA Artist Center. Dati ay co-managed pa siya ng talent management arm ng Kapuso network at ng AAA Management ni Tony Tuviera.
READ: Netizens, pinuri si Andrea Torres sa pagsagot nito sa mga isyung kinasasangkutan niya
Ayon sa Kapuso leading lady, hindi naging madali ang kanyang desisyon at matagal niya itong pinag-isipan.
"Siyempre po, pero sa lahat ng ginagawa ko nagdadasal naman ako, pinag-iisipan ko naman talaga. Hindi naman siya bara-bara. Ang importante naman sa akin, 'di ba ang showbiz maliit na mundo lang, so parang sabi nila na don't burn bridges. As long as sa mga desisyon na ganito ay okay pa rin naman kami, happy ako."
Dagdag pa niya, "Maganda naman po talaga ang pag-aalaga nila sa akin. Na-experience ko na kung paano maging part ng GMA Artist Center, so I think that's the natural [thing to do]."
Hindi na rin idinetalye ng aktres ang dahilan ng kanyang pag-alis sa poder ng Triple A.
"Mahirap po kasi mag-discuss ng bagay na 'yan kasi siyempre it's between the two of us. May respeto naman po ako sa Triple A, maganda po ang paghihiwalay namin and mahal ko sila. Actually kahapon [August 8, sa kasal nina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap] nakita ko si Tatay Tuviera, si Ateng Rams (David), and we're okay. As in, nag-hug kami, nagkuwentuhan kami."
Abangan si Andrea Torres bilang Venus sa Alyas Robin Hood, ngayong Lunes na sa GMA Telebabad.