
Nagluluksa ang buong Philippine entertainment industry sa pagpanaw ng mahusay na batikang aktres na si Jaclyn Jose sa edad na 59.
Binawian ng buhay ang 2016 Cannes Film Festival best actress noong Sabado, March 2, ayon sa official statement PPL Entertainment Inc.
Isa sa mga nagpahayag ng pangungulila ang Kapuso star na si Andrea Torres na maraming beses na nakatrabaho si Jaclyn sa telebisyon, kaya naman isa siya sa mga itinuturing na anak-anakan ng beteranang aktres sa showbiz.
Sa kanyang Instagram post ngayong Lunes, March 4, emosyonal na binalikan ni Andrea ang kanyang masasayang alaala kasama ang yumaong aktres na kung tawagin niya ay "Nanay."
Panimula niya, "Ang daming pumapasok sa isip ko. Ang dami mong naiwan sa 'kin Nay. Alam mo kung gaano ka kahalaga sa akin at gaano kita kamahal at yun na lang ang pinanghahawakan ko 😔
"Maraming-maraming salamat Nanay."
Ayon kay Andrea, isa si Jaclyn sa may mga mabubuting puso sa showbiz dahil hindi ito naging madamot sa pagbibigay ng advice sa pag-arte.
Pagbabalik-tanaw niya, "Naalala ko nung nagsisimula pa lang ako, hindi ako makapaniwala, pinagtatanggol mo ko. Touched na touched ako sa malasakit mo sakin. Tatlong soap opera kita nakasama. Napakarami mong tinuro sakin. Pag nag-aaral ako ng eksena minsan bigla ka na lang lalapit sakin “Nak, try mo ito” Kaya naman kapag proud ka iba ang dating nun sa akin. Sabay na nga tayong nagpapakawala ng malakas na “Ha!” bago ang bawat eksena. Hehehe. Hanggang ngayon ginagawa ko yun. Isa sa mga bagay na tumatak sayo kaya lahat ng nakakaalam, gets na lumaki ako sayo. Proud ako dun Nay. Proud akong isa ka sa naghubog sakin."
Ayon pa kay Andrea, hindi natatapos sa trabaho ang magandang pakikisama sa kanya ng award-winning actress.
Dugtong niya, "At siyempre hindi ko malilimutan lahat ng kwentuhan natin sa likod ng camera. Kilalang kilala na natin ang bawat isa kaya naman ang usapan natin ay hindi pwedeng hindi humaba at kung saan saan din napupunta. Haha. Kahit seryoso ang topic palagi tayo nauuwi sa tawanan. Malambot ang puso mo. Madali ka lang pasiyahin. A brilliant actress and a brilliant mother, lagi ko ngang sinasabi sayo."
Dagdag pa niya, "Ang sarap sarap mong mahalin Nay at ang sarap sarap mo ring magmahal. Napakaswerte ko naranasan ko yun mula sa iyo. Kahit na hindi tayo magkatrabaho, palagi mo ko kinakamusta 😭"
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe sa late actress, nagpasalamat si Andrea sa magagandang alaalang iniwan nito.
Pagbibigay-pugay ni Andrea, "Salamat sa napakaraming alaala. Sobrang mamimiss kita. Lahat ng bilin mo sakin Nay hindi ko kakalimutan. Pipikit na lang ako at aabangan ko pa rin dun ang smile of approval mo. I love you Nay Jane. Pahinga ka na po ❤️"
Wala pang opisyal na pahayag tungkol sa dahilan ng pagkamatay ni Jaclyn.
Sa ngayon, panalangin ang hiling ng pamilya ng naiwan ng batikang artista.