
Umaapaw ang pasasalamat ng Sparkle actress na si Angel Guardian sa pagkilalang natanggap mula sa katatapos lamang na 2026 World Class Excellence Japan Awards.
Nanalo si Angel ng Best Actress Award para sa kanyang mahusay na pagganap bilang Deia sa superserye na Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Sa isang Instagram post, ipinarating ni Angel ang naramdaman nang matanggap ang kanyang kauna-unahang Best Actress Award.
"Got my first-ever Best Actress Award for portraying Deia in Encantadia Chronicles: Sang'gre," sulat ng aktres. "Nakakataba ng puso na may nakakakita at nakaka-appreciate ng talento at pamamaraan mo bilang aktor—nakakaganang mas pagbutihin pa ang bawat trabahong ipinagkakatiwala at bawat proyekto na darating.
"Maraming salamat, World Class Excellence Japan Awards sa pagkilala na ito. Hopefully, this is the first of many."
Bukod dito, nagpaabot din si Angel Guardian ng mensahe sa Fast Talk with Boy Abunda para sa nasabing parangal.
"Gusto ko pong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat sa natanggap kong Best Actress Award para sa aking pagganap bilang Deia sa Encantadia Chronicles: Sang'gre. Bilang isang aktres, napakalaking bagay po nito para sa akin. Nakakataba po ng puso na malaman na may mga taong nakakita, nagmahal, at naka-appreciate ng aking pagganap bilang Sang'gre Deia. Tapos man na ang aming palabas, patuloy po itong nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang pagbutihin pa ang aking sarili at ang mga susunod kong proyekto.
"Mula po sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat sa World Class Excellence Japan Awards para sa pagkilalang ito, at sa GMA Network sa pagbibigay sa akin ng oportunidad na maipakita ang aking talento at mabigyang-buhay ang karakter ni Deia. Maraming salamat po," sabi ng aktres.
Congratulations, Angel Guardian!