
Muling nagparamdam sa social media ang actress at philanthropist na si Angel Locsin sa gitna ng malawakang rally kontra-korapsyon noong Linggo, September 21.
"Today I'm breaking my social media silence. To all Filipinos fighting corruption - may God give you more strength to keep going," panimula niya sa kanyang Instagram Story kahapon.
Hindi man pisikal na nakasali, nakiisa si Angel sa mga nagprotesta laban sa katiwalian sa gobyerno dahil sa maanomalyang paggamit ng pondo ng bayan na nakalaan dapat sa pagpapatupad ng kaayusan sa bansa, partikular na ang pagpapalakas ng infrastraktura para maiwasan ang pagbaha.
Patuloy niya, "Watching the hearings, I couldn't help but remember the messages and news people begging for help. Families with homes washed away, parents who lost their work, lives lost to floods/typhoons."
Hindi naman napigilan ni Angel na maging emosyoal habang inihahayag ang kanyang pagkadismaya dahil sa kasakiman at kapabayaan ng ilan sa pamahalaan.
"Naiiyak ako sa galit kasi pwede palang hindi sila naghirap. Pwede palang walang nasaktan. Pwedeng palang walang namatay.
"Ang bigat. Nakakapanghina ang ganitong kasamaan."
Dagdag pa niya, mas nakakapanghina ang pananahimik sa harap ng katiwalian kaya naman nanawagan siya sa publiko na huwag matakot magsalita at manindigan para sa katotohanan, katarungan, at pagbabago para sa kapakanan ng mamamayan.
"Pero mas nakakapanghina kung mananahimik lang tayo. Kaya we keep speaking, we keep fighting. For truth. For justice. For change. No politics. Para sa tao."
Samantala, pinuri ni Angel ang mabilis na pagresponde ng Philippine Red Cross sa mga nasaktan sa protesta kahapon.
Ibinunyag din niya na hango ang kanyang social media handle na @143redangel sa emergency hotline ng organisasyon na 143.
SAMANTALA, KILALANIN SA GALLERY NA ITO ANG MGA CELEBRITY NA LUMAHOK SA RALLY PARA LABANAN ANG KORAPSYON.