
Espesyal at rewarding para kay Sparkle star Angela Alarcon ang papel na ginampanan niya para sa international short film na I Will Be Fine. Bukod kasi sa pagiging supporting actress sa harap ng kamera, nagsilbi rin siyang associate producer at in-charge sa social media marketing nito.
Lumabas na ang naturang short film noong Sabado, April 4. Pinagbibidahan ito nina Dug Baker, CoCo Atama, at Evans Ching, sa direksyon ni Bettina Someros-Ching, na siya ring sumulat ng screenplay ng pelikula, kasama ang asawang si Steven Charles Ching.
Umiikot ang kuwento nito sa isang lalaki na may limited vision. Pagkatapos niyang makapasa sa driving test, kailangan niyang magdesisyon kung handa ba siyang magmaneho mag-isa sa kabila ng kapansanan, o magpatulong sa iba.
Sa Instagram, nagbahagi si Angela ng ilang litrato at video ng behind the scenes ng pelikula at isang mensahe ng pagpapasalamat para sa pagiging parte ng proyekto.
“So grateful to be part of [I Will Be Fine] as a supporting actress, associate producer, and social media marketing. Wearing different hats and being both in front of the camera + behind the scenes made this whole journey so special and rewarding,” sulat ni Angela sa kaniyang post.
KILALANIN ANG PINOY CELEBRITIES NA BUMIDA SA INTERNATIONAL MOVIES SA GALLERY NA ITO:
Pinasalamatan din niya sina Steven at Bettina, maging ang buong team na bumubuo sa pelikula para sa paglabas ng ganitong istorya.
“My heart is so full being part of a community that shares the same passion, creativity, and purpose. This film challenge took us through the entire process—from writing and shooting to editing and scoring—all in just [five] days. All those back-to-back pre-production meetings and planning made it worth it,” sabi ni Angela.
Ibinahagi rin ng Kapuso actress na opisyal na rin nilang isinumite ang pelikula sa Easterseals SoCal Film Challenge, isang contest na nagpo-promote ng disability inclusion sa mga pelikula. Layon kasi ng contest na palawigin pa ang pagkuha ng mga talent na may disabilities sa mga proyekto.
Ang Easterseals Disability & Community Services na nagsagawa ng naturang challenge ay isang kompanya sa Southern California na nagbibigay ng essential services para sa mga indibidwal na may autism.
Ani Angela, “I'm honored to support a cause that uplifts and empowers people with disabilities through storytelling that goes beyond the screen.”