
Bukas si Angelica Panganiban sa posibilidad ng pagpasok ng anak na si Amila Sabine o Bean sa pag-aartista balang araw. Sa katunayan, puno siya ng suporta sa anak sakaling magsabi ito sa kaniya na papasukin na ang show business.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, December 15, kinumusta ni King of Talk ang naging pagbabago sa buhay ni Angelica simula nang dumating ang asawa nitong si Greg, at anak nilang si Bean.
“Actually tuloy-tuloy 'yung pagbabago niya mula nu'ng nabigay sa 'min si Bean. Parang yearly, e, may pagbabago. Siyempre nu'ng una, talagang beybing-baby siya, three-month old siya nu'ng unang pasko niya, parang wala pa rin talaga, masaya lang, alam mong may baby.”
Pero ngayon na nagsasalita at naglalaro na si Bean, at naiintindihan na niya ang Pasko, naging mas mahirap na umano para sa kanila ang maglagay ng regalo sa ilalim ng Christmas tree.
“Hindi kami makapaglagay ng regalo sa ilalim ng Christmas tree kasi binubuksan niya. So medyo away 'yung ending kaya parang 'huwag na lang tayo maglagay,'” sabi ni Angelica.
Tinanong din ng batikang host kung ano ang namana ni Bean sa aktres, at ayon kay Angelica, ito ay ang kaniyang pagiging bibo.
“'Yung pagiging bibo, I think. Sobrang bibo ni Amila, talagang makikita mo na may plano siyang mag-artista, parang doon siya papunta,” sabi ni Angelica.
Pagpapatuloy pa ng aktres, wala siyang planong pigilan ang anak kung sakaling magsabi ito na gusto niyang pumasok sa show business. Ngunit paalala niya sa anak, “Pero 'pag sinuportahan ko kasi siya, kabahan siya sa support na ibibigay ko kasi ibibigay ko 'yung suporta na hindi niya inaasahan.”
Nilinaw rin ni Angelica na hindi siya magiging stage mother, pero sinabi niyang malaki ang magiging pangarap niya para kay Bean.
“Gusto ko nasa British School of Acting, 'yung mga ganu'n. So kung gusto mong mag-artista, du'n tayo,” sabi ng aktres.
Nang tanungin naman siya tungkol sa pananaw ni Greg tungkol sa pag-aartista ni Bean, sagot ni Angelica, “Siyempre ngayon, nandu'n pa lang kami sa 'Hindi, commercial lang, ha? Commercial lang.'”
TINGNAN ANG ILAN S MGA HAPPY BABY PHOTOS NI AMILA SABINE SA GALLERY NA ITO: