Ibinahagi ng aktor na si Anjo Yllana ang nakaraan nila ni Sheryl Cruz, kabilang na ang kasal sana nila na hindi natuloy. Ikinuwento rin ng aktor kung papaano sila nagkabalikan pa ng dating nobya halos sampung taon matapos ang unang hiwalayan nila.
Sa pagbisita ni Anjo sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, June 4, ibinahagi niya kung bakit hindi natuloy ang plano nilang pagpapakasal ni Sheryl.
“I broke up [with Sheryl] because natakot ako du'n sa tito niya, si [Fernando Poe Jr.] na I had to talk to him daw bago kami magkatuluyan. So nagkaroon ako ng cold feet. Sabi ko baka bugbugin, gano'n naisip ko no'n kasi bata pa ako eh. First time kong magpapakasal. Sabi ko takot ako,” Anjo said.
Inamin ni Anjo na totoo ang sinabi ni Sheryl sa panayam sa kanya sa parehong Afternoon Prime talk show noong nakaraang taon na bigla na lang siyang nawala.
“Totoo 'yun, na bigla na lang akong nawala, kasi 'yun 'yung rason. Parang hindi ko pa yata kaya, parang nabibigla lang ako du'n sa sinabi kong 'Tara, pakasal na tayo,'” sabi ni Anjo.
Halos isang dekada ang lumipas nang muling magkrus ang landas nila ni Sheryl sa isang proyekto. Kuwento ng aktor, kaeksena niya ang dating nobya kung saan sasampalin siya nito.
“'Yung eksena, sasampalin ako. So nu'ng rehearsal, pag ganu'n sa akin, ang lakas. As in nilabas niya 'yung hinanakit niya na sampung taon,” paglalahad ni Anjo.
Diretsahan niyang tinanong si Sheryl kung galit pa ba ito, na kinumpirma naman ng aktres. Doon umano napagtanto ni Anjo na nasaktan niya nang husto ang dating nobya.
“Kasi all the relationships I had, ang tingin ko du'n parang laro-laro lang. 'Pag seryoso kayo, wala naman nangyari. So 'yun, tinamaan ako doon. Nagbalikan kami,” saad ni Anjo.
Sinubukan nilang buhayin muli ang relayon nila matapos makipaghiwalay ni Anjo sa asawa niyang si Jacqui Manzano noong 2015-2016.
Nang tanungin siya ni Boy kung bakit hindi nag-work out ang kanilang relasyon, sagot ni Anjo, “Because she found out that I'm still living with my kids at isang bubong lang kami ng mama ng kids. So naintindihan ko naman 'yun.”
Ayon kay Anjo, hindi naman na sila romantically involved ni Jacqui nang subukan ulit nila ni Sheryl. Aniya, hindi lang niya maiwan ang kanyang mga anak kaya nakatira pa rin sila sa iisang bubong, bagay na hindi matanggap ni Sheryl.
“So malamang, may part ito 'to,” ani Anjo.
Nang hingan siya ni Boy ng mensahe para kay Sheryl, sinimulan ito ni Anjo ng isang biro, bago sinabing, “If you are happy right now, I'm very happy for you. Alam kong marami kang pinagdaanan din kaya sana ito na, 'yung naririnig ko, kung totoo, sana maging happy ka lang. Masaya na'ko basta happy ka.”