
Kamakailan, nagsama-sama ang ilan sa cast at ang director ng pelikulang The Loved One sa ginanap na 'LOVEcon', ang opisyal na kick-off event ng nasabing pelikula na idinaos sa isang mall sa Maynila noong Sabado, January 24.
Sa isang Instagram post ng multimedia agency na Cornerstone Entertainment, ibinahagi ng bida nitong si Anne Curtis ang isang nakakatuwang kuwento kung paano siya napasabi ng “oo” upang tanggapin ang proyekto at gampanan ang lead role.
Ayon kay Anne, malalim ang tiwala niya kay Direk Irene dahil sa kanilang matibay na samahan sa trabaho.
“You know, working with Direk Irene, we get each other's craziness,” sabi ng aktres.
Ikinuwento rin niya ang isang pagkakataon kung saan nagpadala siya ng mensahe kay Direk Irene at sinabing naghahanap siya ng isang kwento na mas malalim at mas "mature" kaysa sa mga nagdaan niyang roles.
“It was like one random night, I messaged her, like you know, I'm looking for something a little bit more mature when it comes to telling a story about where love can lead you,” kuwento ni Anne.
Agad namang tumugon ang direktor at sinabing mayroon na siyang nakahandang script para kay Anne, ngunit may kasama itong isang "catch."
“And then that's when she said, 'You know what? I have a script, ready na siya, may catch lang siya',” karugtong na kuwento ng aktres.
Nang tanungin ni Anne kung ano ito, diretsahang sinabi ni Direk Irene: “May leading man na.”
Agad namang nagtanong si Anne kung sino ang tinutukoy na leading man ng direktor at tumugon naman ito at sinabing, “Si Jericho.”
Nang malaman ni Anne na ang tinutukoy na leading man ay ang “Asia's Drama King” na si Jericho Rosales, hindi na siya nagdalawang-isip pa.
Ibinahagi rin ng aktres ang karanasan niya bilang katrabaho ang kapareha sa pelikula na si Jericho Rosales.
“And you know, working with Jericho has always been so easy, and you know, we reconnected and then a year after, we started filming,” pahayag ni Anne.
Matapos ang mahabang panahon, magsisilbing reunion movie nina Anne at Jericho sa big screen ang The Loved One.
Tampok din sa pelikula si Miss Universe 2018 Catriona Gray para sa kanyang inaabangang film debut, kasama sina Luis Alandy, Maxine Eigenmann, at Ian Pangilinan.
Related Gallery: The Many Times Anne Curtis Proved She's A Hot Momma