
Noong Lunes, January 19, sabay-sabay na inilabas sa iba't ibang social media platforms ang opisyal na trailer ng pelikulang The Loved One kung saan katambal ng It's Showtime host Anne Curtis ang award-winning actor na si Jericho Rosales.
Nag-post din si Anne ng naturang trailer sa kanyang mga social media platforms, kabilang na sa X (former Twitter).
Habang marami ang humanga sa cinematography at chemistry ng dalawa, isang netizen ang nagpahayag ng kanyang pagkainis sa X (dating Twitter).
Ayon sa nasabing netizen, nakakairita umano ang paggamit ng wikang Ingles sa mga linya sa pelikula.
“Kakairita, english english ang mga dialogue,” komento nito
Deretsahang sinagot naman ito ni Anne at sinabing: “Di 'wag ka manood.”
Matapos ang pagsagot ni Anne ay burado na ang naturang komento.
Umani naman ng libo-libong likes at suporta mula sa mga netizens ang reply mula kay Anne dahil sa kanyang pagiging palaban sa mga taong naghahanap lamang ng butas sa kanyang proyekto.
Maging ang batikang direktor na si Mae Cruz-Alviar, na nasa likod ng pelikulang Love You So Bad ay napa-reply rin sa post ni Anne.
“Tomooooo,” reply ni Mae.
Nag-reply rin ang ilang mga netizens at nagpahayag ng kanilang mga reaksyon tungkol dito.
“Correct response mother!! Tama!” reply ng isang netizen.
“Palaban si Dyosa!” ani pa ng isa.
Di wag ka manood
— Anne Curtis-Smith (@annecurtissmith) January 21, 2026
Sa kabila ng ingay ng mga basher, nananatiling positibo ang pagtanggap ng publiko sa trailer ng The Loved One na ipapalabas ngayong Valentine's season.
Ito ay idinirehe ni Irene Villamor, ang direktor ng 2018 film ni Anne na Sid and Aya: Not A Love Story, kung saan nakatambal niya ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes.
Related Gallery: Anne Curtis announces the passing of her dad James Curtis-Smith