
Nagbabalik ang actress-host na si Anne Curtis sa noontime variety show na It's Showtime ngayong Biyernes, January 23.
Sa naturang episode, masayang binati ni Anne ang Madlang People at nakatanggap ng welcome back greetings mula sa kanyang co-hosts.
"Na-miss ko rin po kayong lahat," ani ng Filipina-Australian beauty.
Bukod dito, nag-promote din ang aktres ng kanyang upcoming movie na The Loved One, na reunion film niya kasama ang aktor na si Jericho Rosales, at may nakatutuwa pang hirit.
"Medyo English-Englishan 'yung dialogue. Kaya kung ayaw n'yo 'yon, eh 'di huwag kayo manood," hirit ni Anne.
Matatandaang nag-reply si Anne kamakailan sa X (formerly Twitter) sa isang basher na nag-comment tungkol sa inilabas na trailer ng pelikula. Ayon sa naturang netizen, nakakairita umano ang paggamit ng Ingles sa lines ng pelikula at nag-reply si Anne ng, "Di 'wag ka manood."
Paglilinaw naman ni Anne kanina, "fun" lamang ang kanyang iniwan na reply.
"At saka, fun lang 'yon. Kunwari kung ikaw 'yung kausap ko, ganyan din naman kita sasagutin," sabi niya sa co-host na si Vhong Navarro. Matapos ito, nag-group hug ang co-hosts para kay Anne.
Bago ang pagbabalik ni Anne sa It's Showtime, matatandaang nitong buwan ay inanunsyo niya ang pagpanaw ng amang si James E. Curtis-Smith. Kasunod ng anunsyong ito, bumuhos ang pakikiramay kay Anne mula sa kapwa celebrities.
Samantala, patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.