
Naghatid ng saya ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 housemates na sina Anton Vinzon at Carmelle Collado sa It's Showtime ngayong Huwebes (February 26).
Ipinamalas nina Anton at Carmelle ang kanilang galing sa pag-awit nang kantahin nila ang "Araw-Gabi" sa noontime variety show. Bukod dito, masaya rin silang nakakuwentuhan ng It's Showtime hosts.
Tinanong sila ni Vhong Navarro kung ano ang una nilang ginawa pagkalabas ng Bahay ni Kuya at kung ano ang kanilang nami-miss noong nasa loob pa sila.
"Ako po, una ko pong ginawa, talagang kumain po ako nang marami po kasi sobrang ginto po 'yung pagkain ni Kuya. Grabe 'yung inflation sa Bahay ni Kuya. Pero 'yung talagang na-miss ko din po, 'yung pagkain din po sa loob ng Bahay Ni Kuya. Lalong lalo na po si Kuya, talagang dino-dogshow ako ni Kuya," pagbabahagi ng Kapamilya star.
Ayon naman kay Anton, nami-miss niya ang bonding kasama ang iba pang housemates.
"Kagaya ni Carmelle, na kumain talaga kami ng family ko, pumunta kami sa Tagaytay. And then 'yung na-miss ko po, 'yung bonding po namin sa loob ng bahay po," ani ng Kapuso actor.
Bukod dito, tinanong ni Kim Chiu sina Anton at Carmelle kung ano ang kanilang nararamdaman na shini-ship silang dalawa sa labas ng Bahay ni Kuya na tinawag na "CarTon."
Ayon sa dalawa, hindi nila ito inaasahan dahil totoo ang kanilang mga ipinakita habang nasa loob ng Bahay ni Kuya.
"Unexpected po talaga na magkaroon kami kasi very genuine po talaga kami. 'Yung intentions po namin, clear sa loob ng bahay. 'Yung paglabas ko talaga, nagulat ako na may CarTon pala. I'm just really happy," sagot ni Anton.
Dagdag pa ni Carmelle, "Ako same lang din po kay Anton, unexpected po talaga kasi kung anuman po 'yung nakita n'yo, again, it's very natural kasi gano'n po talaga kami sa loob ng Bahay ni Kuya."
Samantala, magaganap ang The Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 sa Sabado, February 28.
Patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.