
Sa unang eviction night ngayong 2026, January 2, may bagong duo ng housemates ang lalabas mula sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.
Sa latest episode ng teleserye ng totoong buhay ay inanunsyo kung sino ang dalawang housemate na muling magpapaalam mula sa Bahay ni Kuya:
Ang Sparkle star na si Anton Vinzon at ang Star Magic artist na si Rave Victoria.
Mananatili naman sa lob ng bahay para ipagpatuloy ang kanilang mga laban sina Princess Aliyah , Ashley Sarmiento, Krystal Mejes at Fred Moser.
Matatandaang nominado ang duos nina Fred Moser at Princess Aliyah na FredCess, sina Krystal Mejes at Anton Vinzon na kilala bilang KrysTon duo, at ang AshRave duo nina Ashley Sarmiento at Rave Victoria sa Nomination Night na naganap noong nakaraang Linggo, December 28.
Nakaligtas naman mula sa nominasyon ang duo nina Heath Jornales at Miguel Vergara na HeathGuel, at ang duo na CapQuin nina Caprice Cayetano at Joaquin Arce matapos silang makatanggap ng Gift of Immunity.
Abangan ang susunod na twists at mga sorpresa mula kay Big Brother na masasaksihan sa hit collaboration project ng GMA at ABS-CBN.
Mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 nang live sa GMA at Kapuso Stream tuwing weekdays, 9:40 p.m., Sabado, 6:15 p.m., at Linggo sa oras na 10:05 p.m..
Maaari ring subaybayan ang mga kaganapan sa loob ng Bahay Ni Kuya sa All-Access Livestream ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 na mapapanood sa link na nasa ibaba.
RELATED CONTENT: Meet the 20 housemates of 'Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0'