
Sa kabila ng suportang natanggap ni Kamao star Anton Vinzon noong maging housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0, inamin ng ama niyang si Roi Vinzon na ayaw sana niyang payagan ang anak na pumasok sa Bahay ni Kuya.
“Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kaniya kasi ayoko matagal — ano, New Year, Christmas, wala ka sa 'min?” sabi ni Roi sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, May 22.
Ayon kay Roi, naging bukas lang siya sa ideya nang ipinaliwanag sa kaniya ni Anton kung ano ang nangyayari sa loob ng PBB House.
“Pero kung halimbawa, explain mo sa 'kin kung anong ginagawa sa PBB, okay, let's see. Nu'ng dumating siya sa puntong ganun, sabi ko, actually, at least alam ko na nandoon siya, safe siya. Sabi ko, okay, okay,” sabi ni Roi.
Kaya naman, laking tuwa niya nang makabisita siya noong December 27 dahil tila nakasama na rin niya si Anton ng Pasko at Bagong Taon.
“Okay siya, okay naman. May nangyari naman sa kaniya sa PBB pagkatapos. Kaya thank you so much,” sabi ni Roi.
Matatandaan na lubos din ang pasasalamat ni Anton sa paglabas niya ng Bahay ni Kuya noong January 4 sa lahat ng sumuporta sa kaniyang PBB Journey.
Sa isang Instagram video na pinost ni Anton paglabas niya ng bahay, sinabi niya, “I just want to thank you po sa suporta n'yo, sa love n'yo, and care n'yo po sa akin. And throughout this journey binigyan po talaga ako ng opportunity to grow as a person talaga.”
BALIKAN ANG MAINIT NA PAGTANGGAP NG SPARKLE KAY ANTON PAGLABAS NIYA NG 'PBB' SA GALLERY NA ITO: