
Itinuturing ni Sparkle Teen star Anton Vinzon bilang bestfriend ang kaniyang ama at beteranong aktor na si Roi Vinzon. Kaya naman wala umano silang sikreto at itinatagong kahit ano sa isa't isa.
Sa pagbisita ng mag-amang aktor sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, August 4, tinanong ni King of Talk Boy Abunda si Anton kung ano ang tanong niy sa kaniyang ama na hindi pa niya naitanong dito. Ngunit imbis na tanong, ipinahayag ng Sparkle Teen ang pagmamahal niya sa kaniyang ama.
“Hindi pa ako ipinapanganak hanggang ngayon, you've been my role model talaga, you've been my superman and, Pa, I love you. Kasi, mahirap sabihin 'yung I love you sa isang parent, pero I love you pa,” sabi ni Anton.
Ibinahagi rin ni Anton kung gaano kamahal ng kaniyang ama ang kanilang pamilya at kung papaano inuuna ito ni Roi sa lahat. Ipinahayag din ng batang aktor ang suporta ng kanilang pamilya sa kanilang ama, at sinabing gagawin ang lahat para dito.
Pagbabahagi naman ni Roi, walang kailangan itanong si Anton at sa halip, purop pahayag ang binibitawan nila sa kanilang pamilya. Aniya, ito ay dahil ikinukwento niya ang lahat sa kaniyang mga anak.
“Lahat ikinukwento, kaya hindi siya pwedeng magkamali, e,” sabi ni Roi.
MAS KILALANIN PA SI ANTON SA GALLERY NA ITO:
Nang tanungin naman ni Boy kung meron pa bang itinatago si Anton sa kaniyang ama, ang sagot ng Sparkle Teen star, “Lahat po ng mga nakausap ko a long time ago, nasasabi ko po kay papa kasi he's my bestfriend po talaga. Hindi ako nagtatago.”
Aminado naman si Roi na gusto niya ang ugaling ito ni Anton, “At saka ako, sasabihin ko talaga. Kung magkakamali ka du'n, 'Ops, sandali, medyo hindi yata. Ganito kaya gawin natin? Palagay mo kaya? Ganito yata ang dapat sagot diyan?'”
Ngunit nang tanungin ni Boy si Roi kung nakailang girlfriend na ba ang kaniyang anak, inamin ng beteranong aktor na hindi niya alam, at sinabing hindi siya nangingialam. Aniya, mas pinipili niyang magbigay na lang ng payo minsan.
Panoorin ang panayam kina Anton at Roi dito: