
All-out si Kapuso dramatic action star Anton Vinzon sa kanyang mga boxing scene sa pinagbibidahan niyang family sports drama series na Kamao.
Ayon sa aktor, isa sa pinakamalaking hamon sa kanyang karakter ay ang matinding pisikal na paghahanda na kinakailangan para maipakita nang kapani-paniwala ang isang propesyonal na boksingero.
Aniya sa press conference ng Cornerstone Entertainment kamakailan, "Nakaka-pressure po talaga yung character ko kasi 'yung character ko is puro hubad sa scene, puro boxing, and pro na ako sa boxing industry sa Kamao. Mine-maintain ko po talaga 'yung physique para malaman din po ng tao na totoo po talaga 'yung boxing na ginagamit at talagang suntukan na suntukan po talaga."
Ibinahagi rin ni Anton na halos wala nang choreography ang kanilang mga fight scene dahil gusto niyang maging natural at makatotohanan ang bawat suntok na mapapanood ng mga manonood.
Pag-amin niya, "Wala nang choreo 'yung ginagawa namin. Sabi ko gusto ko ng totoo, gusto ko sapakan na talaga. Pekein na lang 'yung wide basta sa close-up, gusto ko 'yung matatamaan talaga ako. Mine-makeup na lang 'yung pasa."
Para mapanatili ang kanyang pangangatawan, naging disiplinado si Anton sa kanyang workout routine at pagkain. Aniya, malaking bahagi ng kanyang paghahanda ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng high-protein diet para masuportahan ang matinding pisikal na pangangailangan ng kanyang role.
Mapapanood ang Kamao weekdays sa oras na 3:20 p.m. sa GMA at Kapuso Stream.
RELATED FEATURE: Anton Vinzon shares 'Kamao' fulfilled his dreams