
Tila hindi pa rin makapaniwala ang Sparkle singer na si Arabelle Dela Cruz sa mga biyayang natanggap niya ngayong bagong taon.
Kamakailan lang, ipinagmalaki ni Arabelle ang mga Pilipino matapos siyang tanghaling grand winner ng South Korean singing competition na Veiled Cup Korea.
Laban sa mga world-class artists mula sa iba't ibang bansa, wagi ang tinaguriang Laguna Diva sa kanyang rendition ng “Feeling Good” ni Michael Bublé.
Sa panayam niya sa GMA morning show na Unang Hirit, inamin ni Arabelle na tila surreal ang naging karanasan niya sa South Korea.
"Super hindi ko 'yun in-expect 'yung naging competition. Kasi after ng The Clash sabi ko parang wala na ako maisip na sasalihan e. Tapos biglang dumating 'yung Veiled Cup. Sabi ko 'Grabe talaga 'yung mga plano ni Lord,'" kwento ng singer.
Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng kanyang best sa entablado ang naging focus niya sa buong kompetisyon at ipinaubaya na lamang sa Diyos ang resulta ng laban.
Dahil dito, labis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta at naniwala sa kanya mula umpisa hanggang dulo ng kompetisyon.
"Sobrang na-appreciate ko po kayo at maraming-maraming salamat kasi nagtiwala kayo sa akin. Sa lahat din bumoto... sobrang effort po ninyo kaya maraming maraming salamat. Para sa ating po lahat 'yung pagkapanalo po 'yun," aniya.
Matatandaang unang nagwagi si Arabelle Dela Cruz bilang first runner-up sa Kapuso singing competition na The Clash 2025.
Sa Veiled Cup, nakasama rin ng Sparkle singer ang kapwa The Clash alumni na sina Garrett Bolden at Thea Astley.
Si Arabelle ang nag-iisang Filipina na umabot sa grand finals ng naturang Korean competition.
Kilalanin pa si Arabelle Dela Cruz sa gallery na ito: