
Hindi maipagkakaila na isa pa rin sa mga pinaka in demand na artista ngayon si Arci Muñoz. Katunayan, ang pelikula niyang 'Malditas in Maldives' ay nakasama sa international film festival na Jinseo Arigato Film Festival. Kaya naman para sa aktres at singer, mahihirapan siyang iwan ang karera kahit pa mahanap na niya si “Mr. Right.”
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, Hulyo 18, ay napag-usapan nina Boy Abunda at Arci ang tungkol sa pag-iwan niya sa showbusiness sakaling lumagay na ang aktres sa tahimik.
“I think naman po if it's the right person and the right time and everything will fall into place. I mean I can still do what I want with my career and also continuously do what I love, which is my career which is acting and traveling and all those things with my partner,” sabi ni Arci.
Dagdag pa ng aktres, sigurado siyang maiintindihan ito ng kaniyang magiging partner. “'Yung buhay ko nga, ang dami ko ng persona, hindi ko na alam sino kakausapin ko sa gabi. May rakista, may artista, may BTS, may cosplayer. Hindi ko na nga alam, pati ako, nalilito na,” biro ng aktres.
Matatandaan na nagkaroon ng dating rumors noon sa pagitan niya at ng aktor na si JM De Guzman. Sa isang teaser video na pinost ni Arci sa kaniyang Instagram noong 2021, makikita na inaabutan siya ng aktor ng boquet ng roses.
Sabi ni JM sa video, “Alam kong matagal na tayo mag-bestfriend pero puwede bang manligaw?"
Caption pa ni Arci sa Instagram post niya kasama ang kaniyang pamilya at si JM, “Just really glad that the whole family was able to witness this beautiful moment.”
Ngunit sa buong vlog na pinost ng aktres sa kaniyang vlog, makikita na nag “no” si Arci, at pabirong sinipa si JM ng ilang beses. Dito ay inabot na ni Arci ang boquet sa kaniyang kapatid na si Manolet para ibigay sa partner na si Kris, at nag-propose.
Sa ngayon, masaya umano si Arci sa takbo ng kaniyang karera ngayon. Nang tanungin siya kung willing ba siyang makatrabaho muli ang GMA Network, ang sagot ng aktres, “Of course, of course. I am looking forward to that.”
SAMANTALA, BALIKAN ANG IBA'T IBANG LOOKS NI ARCI MUNOZ SA GALLERY NA ITO: