
Muling napakinggan ang mga awitin ng yumaong Master Rapper na si Francis M. sa longest-running noontime show na Eat Bulaga kung saan siya rin ay nagsilbing host noon.
Ito ay matapos kantahin ng kaniyang anak na si Arkin Magalona ang dalawa sa kaniyang hit songs na “Kaleidoscope World” at “Mga Kababayan” sa pagbisita nito sa programa kamakailan.
Isa si Arkin sa naging choices sa “Bawal Judgmental” segment ng noontime show tampok ang mga anak ng singer na singer din.
Ayon kay Arkin, ipinagpapatuloy niya ang musika ng kaniyang ama dahil nais niyang makilala ito maging ng kaniyang henerasyon.
Aniya, “Ginagawa ko pa rin 'yung mga songs ni papa kasi siyempre gusto kong ma-continue 'yung legacy niya. Lalo na sa generation ko ngayon, kailangan kong malaman nila kung sino 'yung tatay ko kasi malaki siyang inspiration sa lahat.”
Proud din na ikinuwento ni Arkin na siya mismo ang nagsusulat ng kaniyang mga kanta at hindi siya nagpapadala sa pressure.
“Hindi ako nagpapasulat sa iba. Nakaka-pressure rin, hindi ko naman mako-control 'yung gusto ng mga tao,” ani Arkin.
Kuwento pa ng binatang singer, tila nakaka-bonding niya rin muli ang kaniyang ama sa tuwing pine-perform niya ang mga kanta nito.
“Siyempre lahat pero nakikita ko pa rin naman siya through his music, and kapag pine-perform ko 'yung mga kanta niya, parang 'yun na 'yung bonding namin,” sabi niya.
Bukod kay Arkin, patuloy ding gumagawa ng kanilang sariling pangalan sa industriya ang iba pang naulilang anak ni Francis M. na sina nina Maxene, Frank, Saab, Elmo, Clara at stepchildren na sina Unna at Niccolo Magalona.
KILALANIN ANG MGA ANAK NI FRANCIS M SA GALLERY NA ITO: