
Hindi umano inaasahan ni Kapuso actress Carla Abellana ang pag-iyak ng kanyang asawang si Dr. Reginald Santos sa kanilang kasal. Pagbabahagi ng aktres, hindi naman kasi emosyonal ang kanyang napangasawa kaya laking gulat niya nang makita itong lumuluha.
Kaugnay ito ng pamahiin ng mga Pilipino na kapag umiyak ang lalaki sa kanyang kasal ay malaki ang tsansang magkakahiwalay sila. Ilang mapanuring netizens ang nakapansin nito sa ilang celebrity couples, kabilang na ang kasal ni Carla sa dating asawa na si Tom Rodriguez.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, January 14, binalikan ni Carla ang mga naganap sa kanyang kasal, partikular na ang paglalakad niya papunta sa altar.
“Umiyak po siya na hindi po namin ine-expect because he's really not an expressive person, he's not even emotional, hindi po mababa ang luha niya,” sabi ni Carla.
Kuwento pa ng aktres, nagpustahan pa sila ng kanyang mga kaibigan kung iiyak ba o hindi si Reginald sa kanilang kasal.
“I was so sure na hindi po siya iiyak asi hindi po siya ganu'n, hindi po siya iyakin talaga, e. So nagulat po kami, while walking down the aisle, hindi na po niya napigilan 'yung kanyang tears,” sabi ni Carla.
Ayon pa sa aktres, napag-usapan naman nila itong mag-asawa pagkatapos ng kasal at sinabi raw sa kanya ni Reginald na hindi nito matiis na maluha.
“Siguro combination of hindi po siya makapaniwala that 'My gosh, this is happening, we're getting married, who would have known?' The bridal march, 'yung song, siyempre nakatulong din po 'yun,” sabi ng aktres.
BALIKAN ANG WEDDING FILM NINA CARLA AT REGINALD SA GALLERY NA ITO:
Pagbabahagi ng Kapuso Primetime Goddess, ang una naman niyang ginawa bago lumakad sa altar ay hanapin at siguraduhin na si Reginald ang pakakasalan niya. Saad pa ng aktres, sobrang excited siyang makita ang mapapangasawa.
“Unang-una, I wanted to make sure I was marrying the right person. And siguro, pangalawa, gusto kong makita 'yung siya, I was excited for him, his tuxedo, 'yung mga ganu'ng bagay. Siya po talaga 'yung hinanap ko right away,” sabi ni Carla.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “I was more 'yung more excited. Parang naging baliktad nga po, siya 'yung naging emotional, ako po 'yung sobrang excited. 'Siya na ba talaga? Tama na ba ngayon?'”
Panoorin ang panayam kay Carla Abellana dito: