
Excited na ibida ni Ashley Ortega ang kanyang karakter sa upcoming GMA series na Apoy sa Dugo.
Sa isang exclusive interview sa GMA Network.com, ibinahagi ng ex-PBB housemate na kakaibang Ashley ang makikita sa serye, na tinawag niyang kanyang “dream role.”
“Actually, excited na talaga akong i-ere ito sa GMA, for next year pa kami. But nako ang dami nilang aabangan kasi kakaibang Ashley ang makikita nila dito, a different Ashley, a different look actually rin. Iba 'yung itsura ko dito,” ikinuwento ng aktres.
Dagdag pa niya, “It's actually my dream role, so isa siyang psychopath, 'yung character na ipo-portray ko.”
Inamin ni Ashley na kinakailangan ng matinding research para gampanan ang kanyang karakter, ngunit laking pasasalamat niya na nakuha niya ang role na ito.
“I am grateful na I get to portray a character who has a mental health illness kasi I feel like it should be an awareness rin e about mental health,” pahayag niya.
Bilang isa sa mga tagasuporta ng adbokasiya ng mental health, natutuwa si Ashley na maipakita sa mga tao kung paano nararanasan ng iba ang ganitong kondisyon.
“Parang it's nice na mapapakita natin 'yung point of view kung saan nanggagaling talaga 'yung mga taong may mga personal disorder,” dagdag niya.
Makakasama ni Ashley sina Elle Villanueva, Derrick Monasterio, Pinky Amador, at Ricardo Cepeda sa kaabang-abang na serye.
Ipinakilala ang cast ng Apoy sa Dugo sa isang story conference noong August 5 sa GMA Network Center.
Samantala, kamakailan ay nagtungo si Ashley sa Paris para sa isang brand endorsement.
Tingnan dito ang nagdaang story conference ng Apoy sa Dugo: