
Malapit nang magbalik sa GMA Afternoon Prime si Ashley Ortega para sa kanyang upcoming series na Apoy sa Dugo.
Ayon sa report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras Weekend noong Sabado, February 7, ibinahagi ni Ashley na nagpapasalamat siya sa magandang simula ng kanyang taon, kasabay ng pagiging busy sa taping para sa kanyang pagganap bilang Angel sa Apoy sa Dugo.
“I am happy na start pa lang ng month ng 2026, sobrang busy na agad. Ayun naman 'yung gusto ko e, syempre it's a good problem,” sabi ng aktres.
Dagdag pa niya, “Medyo nakakapagod pero fulfilling and satisfying naman.”
Lalong ramdam ni Ashley ang excitement dahil matagal na siyang hindi lumalabas sa Afternoon Prime.
“I think show pa yata ni Bianca [Umali] tsaka ni Miguel [Tanfelix] noong love team pa sila dati. Pero ever since kasi puro primetime ako, but it's so good to be back. 'Yung story talaga is 'yung laging may away-away, ayun 'yung gusto kong gawin,” kuwento niya.
Bibida si Ashley sa Apoy sa Dugo bilang isang may mental health disorder na kapatid ni Elle Villanueva.
Kamakailan, sinimulan na ni Ashley ang kanyang paghahanda para sa kanyang karakter sa pamamagitan ng pag-reveal ng kanyang new look na may micro bangs.
Makakasama niya sa serye sina Derrick Monasterio, Thea Tolentino, Pinky Amador, at Ricardo Cepeda.
Mapapanood na ang Apoy sa Dugo simula March 2.
RELATED GALLERY: Cast ng 'Apoy sa Dugo,' ipinakilala na