
Ibinahagi ni Sparkle artist Ashley Ortega na hindi niya napigilang maging emosyonal matapos niyang malaman na isa siya sa leading stars ng upcoming GMA Telebabad series na Widows' Web.
Ito ay inamin ng aktres sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com. Aniya, “Actually when I found out na I have a new show then isa ako sa mga bida, naiyak ako. Promise totoo talaga.
"When my managers told me that I'm going to lead in a teleserye, naiyak ako because, of course, I've always wanted to be a leading lady. Tapos ngayon, they gave me an opportunity.”
Ayon pa kay Ashley, nakaramdam siya ng excitement matapos mabasa ang script ng nalalapit na teleserye.
“The teleserye is super exciting, there's a lot of thrill in the show. So, ginanahan talaga ako magtrabaho,” pagbabahagi niya.
Taos-puso rin ang pasasalamat ng Kapuso actress dahil nabigyan siya ng GMA Network ng oportunidad na bumida sa isang primetime at murder-mystery na programa.
Isa rin daw ito sa pinaka-mature na roles na kanyang gagampanan kaya marami siyang naging preparasyon.
Ani Ashley, “I have to put so much effort in it physically, emotionally, and mentally. Emotionally and mentally, kinailangan ko i-absorb 'yung character ni Jackie and throughout the story, mayroon kasi siyang three phases sa life. So, kailangang makita 'yung transitions ko do'n kasi iba 'yung character ko do'n.
"And physically naman, I've just prepared by losing weight kasi I have to look mature on the show. Kailangang mawala 'yung chubby cheeks ko, I have to act mature, I have to modulate my voice to sound mature. Ito na siguro 'yung pinakama-effort kong pag-prepare sa isang character.”
Bukod kay Ashley, kabilang din sa leading stars ng Widows' Web sina Pauline Mendoza, Vaness del Moral, at Carmina Villarroel-Legaspi.
Huwag palampasin ang world premiere ng Widows' Web ngayong Pebrero sa GMA Telebabad.
Samantala, silipin ang transformation ni Ashley Ortega sa gallery na ito.