
Bata pa lang si Ashley Rivera, na kilala rin bilang si Petra Mahalimuyak, ay gusto na nito ang mag-perform sa harap ng mga tao. Aniya sa isang interview sa Tunay Na Buhay, "Nung bata ako, bibo na talaga ako."
Dagdag pa niya, 'pag pinapasayaw siya ng mga tita niya dati ay game na game siya. Kuwento niya, "Parang may ganung personality ako, gusto ko pinapanood ako, nagpe-perform ako." Pinaliwanag din niya na ang outgoing personality niya ay nakuha niya sa kanyang ama.
Hindi lang daw ang pag-aartista ang naging pangarap niya. Ani Ashley, "Marami akong dreams, hindi ako maka-focus sa isa. Alam mo, ang problema kasi sa akin kung ano ang matripan ko, sige go. 'Yun agad. Gusto ko maging architect, gusto ko maging astronaut, siyempre gusto ko rin maging artista."
Kinuwento rin ang kanyang naging journey upang maabot ang kanyang pangarap. Ika niya, "I really wanted to [be a celebrity]. Lahat ng puwedeng salihan, sinalihan ko na, and laging no. Rejected ako. Commercials, TV shows, reality shows, lahat 'yan sinalihan ko."
Napansin naman si Ashley pagkatapos niya mag-upload ng mga funny videos on YouTube bilang si Petra Mahalimuyak. Sa ngayon ay isa na siyang sexy comedian at isang mainstay sa gag show na Bubble Gang.