
Nagpapasalamat ang komedyanteng si Ate Gay, o Gil Morales sa totoong buhay, sa itinuturing niyang second life matapos niyang gumaling sa pneumonia.
Ayon sa report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, 26 na araw nagpagaling sa opsital si Ate Gay.
Dahil sa sakit ay nangitim at nagbalat pa ang kanyang mga labi.
Isa ito sa tiniis ko.. na nalampasan ko....tiniis kong kumain para mabuhay salamat sa lugaw champorado sopas na bumuhay sa akin ng 20days .maraming salamat Lord
Posted by Gil Aducal Morales on Sunday, April 18, 2021
Ayon sa komedyante, hindi siya tinamaan ng COVID-19 dahil negatibo ang result ng RT-PRC test niya noong March 14.
Dagdag pa niya, dala ng matinding stress ay nanghina siya kaya kinapitan siya ng iba't ibang sakit.
Gayunman, hindi naman umano pinanghinaan ng loob si Ate Gay.
“Ginusto kong mabuhay. Itong lips ko, nagbalat 'yan pinilit ko kumain para mabuhay at salamat sa champorado, lugaw, at sopas,” aniya.
Dahil sa pagkakaospital, na-miss daw ni Ate Gay ang pag-arte at pagpapatawa kaya madalas niyang naging kabiruan ang mga nurse na nag-alaga sa kanya.
Pero kwento ng komedyante, bukod sa nahirapan siya dahil sa pneumonia, madalas din umanong nagbabalat ang kanyang katawan, “Ang hirap para akong binuhusan ng mainit na tubig.”
Nagpagaling nagpalakas .. tiniis ko dahil sa kagustuhan kong mabuhay .. sabi ng doktor pangalawang buhay ko na daw ito ..buti daw at ginusto kong gumaling ...
Posted by Gil Aducal Morales on Sunday, April 18, 2021
Stress na dulot ng kawalan ng trabaho bunsod ng pandemya ang tinitingnang dahilan ni Ate Gay kung bakit siya nagkasakit.
“Simula nung pandemya isip ako nang isip, e. Mula talaga nung nawalan ako ng work ang dami ko nang sakit na tumubo sa 'kin kasi nga siguro 'yung katawan ko sanay na meron akong trabaho,” aniya.
Ngayon ay naka-recover na si Ate Gay at itinuturing niya na itong pangalawang buhay.
Kaya ang kanyang panata, “Ang panata ko ngayon hindi ko na aalisin sa katawan ko 'yung Bible. May Bible kasi ako na maliit. 'Tapos binabasa ko 'yon bago matulog.”
Mensahe pa niya para sa mga taong nakikipaglaban din sa sakit, “Masarap pong mabuhay. Isipin po kayo na gagaling po kayo.”
Source: ategay08 (Instagram)
Narito ang iba pang celebrities na nagkaroon ng pneumonia: