
Inilahad ng GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Pictures na si Atty. Annette Gozon-Valdes na imbitado ang cast ng It's Showtime sa much-awaited event na GMA Gala 2024.
Sa social media pages ng Sparkle GMA Artist Center, ipinakita ang clip ng isa sa episodes ng naturang noontime variety show, kung saan humingi ng paumanhin ang host na si Vice Ganda sa Kapuso top executive.
"We sent an invite to the entire cast of [It's] Showtime. So let's see kung darating silang lahat and nakausap ko 'yung iba sa kanila and they're very excited already. They're preparing what to wear. I think it's the first time that they will attend the gala as GMA kasi last year they attended, but they were with GTV," pagbabahagi niya.
Dagdag pa ni Atty. Gozon-Valdes, "Ngayon parang mas may celebratory feeling na, especially since [It's] Showtime's ratings are soaring so high."
Sa June 8 episode ng It's Showtime, matatandaan na nag-sorry ang Unkabogable Star kay Atty. Gozon-Valdes matapos niyang mabanggit ang ibang news program imbis ang 24 Oras ng GMA Network.
Ito ay nangyari sa “Expecially For You” segment ng programa, kung saan naging guest searcher ang Kapuso actress-singer na si Rita Daniela. Pinuri ni Vice Ganda ang ganda ng boses ng Sparkle star.
Aniya, “Ang ganda ng boses nito. Bakit hindi ka mag-TV Patrol? Pero ikaw 'yung nagre-report.” Dagdag ng co-host niyang si Jhong Hilario, “Pwede sa Star Patrol.”
Matapos nito, biglang kumabig si Vice at sinabing sa 24 Oras na lang sana at tinanong si Jhong kung bakit hindi ang naturang news program ng GMA ang kanilang nabanggit.
“Ma'am Annette, I'm sorry!” sabi bigla ng host-comedian.
Hirit na biro pa ng TV host, “Baka mabawi 'yung imbitasyon natin sa GMA Gala. Masasayang 'yung gown na pinagawa ko.”
SAMANTALA, BALIKAN ANG FABULOUS LOOKS NG ILANG KAPUSO STARS SA GMA GALA 2023 SA GALLERY NA ITO.