
Nadugtungan pa ang tiyansa ng singing duo at Pampanga's pride na Ayta Brothers, na sina Arjohn Gilbert at Jayson Narciso, na maipagpatuloy ang kanilang pangarap na maging sikat na singers dahil pasok na sila sa Battle round ng The Voice Generations.
Kabilang sina Arjohn at Jayson sa mga napiling talent ng multi-talented coach na si Billy Crawford.
Ayta Brothers: (L) Arjhon Gilbert, (R) Jayson Narciso
Matatandaan na noong Blind Auditions, napaikot ng Ayta Brothers ang apat na coaches na sina Billy, Julie Anne San Jose, Stell Ajero, at Chito Miranda sa kanilang performance gamit ang isang katutubong kanta at ang heartwarming rendition nila ng awiting “All My Life” ng American singers na sina K-Ci at JoJo.
Kuwento nina Arjohn at Jayson, lucky charm na nila noon pa man sa tuwing sila ay magpe-perform ang kanilang katutubong kanta kung kaya't isinasama nila ito sa kanilang mga performance kahit pa sa karanasan nila dati ay ipinapatanggal ito.
Anila, “Naipapasok po namin 'yung culture song po namin po. Before po kasi talaga kami kumakanta po like sa mga event po, tinatanggal po 'yung native song po namin. Parang kapag kinanta po kasi 'yung song na 'yun parang nabe-bless po kayo tapos parang nawawala po 'yung problema n'yo.”
Sa kanilang Sing-Off performance naman, muling pinabilib nina Arjohn at Jayson hindi lang ang coaches pati na rin ang lahat ng mga manonood sa pag-awit nila ng OPM song na “Tayo Na Lang.”
Kuwento pa ng Ayta Brothers, pinapangarap nila na magkaroon ng sikat na artista o mang-aawit sa Pilipinas na mula sa kanilang tribo na mga Aeta.
Ayon kay Jayson, “Ako, pangarap ko po talaga na sana meron nang maging artistang singer na Ayta. Hindi lang singer, actor, entertainer, or direktor.”
“Pangarap po talaga namin 'yung mawala na 'yung diskriminasyon sa amin,” dagdag naman ni Arjohn.
Lingid sa kaalaman ng iba, bago pa man sumali sa The Voice Generations sina Arjohn at Jayson ay minsan na rin silang nag-viral noon sa social media dahil sa kanilang mga video habang kumakanta.
Noong 2016, nakilala si Arjohn dahil sa isang video kung saan marami ang nagustuhan ang kanyang boses na inihalintulad noon ng netizens sa sikat na Canadian singer na si Justin Bieber.
Habang si Jayson, nakakuha naman ang atensyon online noong 2018 dahil sa kaniyang viral video habang umaawit at nakasuot ng bahag. May ilang netizens din ang tinawag pa siyang Jericho Rosales look-alike.
Kumpiyansa naman ang Ayta Brothers na ang The Voice Generations na ang unang hakbang upang matupad hindi lang ang kanilang mga pangarap kung 'di ang pangarap ng kanilang buong tribo.
“Itong pagtungtong namin dito sa The Voice Generations, hindi lang po para sa amin 'to, sa mga nangangarap na kapwa namin mga Aeta, at sa buong Pilipinas. I know we have 110 tribes sa buong Pilipinas, sa mga kapwa tribo namin diyan, subukan n'yo 'yung pangarap n'yo 'wag kayong mahiya,” anila.
Masaya naman ang coach nina Arjohn at Jayson na si Billy sa tinatakbo ng kanilang performance sa The Voice Generations.
Sa isang panayam, sinabi ni Billy, “Actually a lot of people are rooting for them. Sobrang dami nilang tagahanga. Ang daming dreamers sa bansang ito. So, para matupad 'yung pangarap nila, 'yung dream nila na makatungtong dito and to continue on sa next performances ay natupad na rin kahit papano.”
Batid naman ni Coach Billy na marami pang pagdaraanan ang Ayta Brothers. Gayunpaman, kumpiyansa siya na may mararating ang karera ng kaniyang inaalagaang duo, sa loob at labas man ng kumpetisyon.
Aniya, “So, I'm happy na nakaraos na ang performances ng Ayta Brothers but I'm also excited for them because I think sa career nila may mapupuntahan 'tong dalawang 'to in this competition and outside this competition. So, sa dalawang kapatid kong Ayta Brothers, I love you guys. Salamat.”
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios.
Napapanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya via GMA Network.
Tutukan ang The Voice Generations sa bago nitong oras, 7:35 p.m. tuwing Linggo pagkatapos ng BBLGANG.