
Maugong ngayon ang usap-usapan tungkol sa lumalalim na ugnayan nina AZ Martinez at Ralph de Leon matapos magbigay ng pahayag ang kanilang kapwa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemate na si Bianca de Vera.
Sa kanyang panayam sa Kapuso morning show na Unang Hirit, hindi napigilan ni Bianca na ibahagi ang kanyang observation sa dalawa, na nakasama rin niya sa seryeng The Secrets of Hotel 88.
“I guess, what you see is really what you get. They're so real. Ang sweet nila sa isa't isa,” ani Bianca.
Hindi naman ito itinanggi ng Kapuso actress na si AZ. Sa isang exclusive interview sa kanya sa Unang Hirit, inamin ni AZ na mayroon silang nabuong “special bond” ng Kapamilya actor.
“We're really close, as in, kasi kami, we've built a special bond talaga with each other,” pag-amin ni AZ.
Kinumpirma rin niya ang sinabi ni Bianca: “We value each other talaga kaya, what you see is what you get.”
Dahil sa kanilang locked-in taping para sa upcoming series na The Secrets of Hotel 88, mas nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na makilala ang isa't isa sa labas ng bahay ni Kuya.
Ibinahagi ni AZ ang ilang mga katangian ni Ralph na kanyang nadiskubre on set.
Madalas umanong naka-earphones ang aktor at kung minsan ay nagse-share pa sila sa pakikinig ng musika.
“He likes to listen to music a lot, he's always wearing earphones. Sometimes, nagse-share na lang kami,” sabi ni AZ.
Hangang-hanga rin si AZ sa dedikasyon ni Ralph sa trabaho. “Nakikita ko kung paano siya nagsa-study ng script, he's really invested,” dagdag pa ng aktres.
Hindi na bago ang pagiging malapit ng dalawa sa mata ng publiko. Matatandaang noong nakaraang January, nagbakasyon si AZ sa Siargao kasama ang ilang kaibigan sa showbiz.
Inamin ng aktres na si Ralph ang isa sa mga unang pumasok sa isip niyang ayain habang pinaplano pa lamang ang nasabing trip.
Dahil sa kanilang “special bond,” tila lalo pang lalalim ang kanilang samahan dahil magbabalik silang muli sa Mindoro. Ayon kay AZ, itutuloy nila doon ang pag-shoot ng mga natitirang eksena para sa inaabangang serye na The Secrets of Hotel 88.
Related Gallery: AZ Martinez and Ralph de Leon's sweet Siargao snaps have fans swooning